Kapag may nakita tayong hinahangaang artista o celebrity, hindi ba't gusto nating makipag-selfie gamit ang cellphone?
Pero paano kung bawal ang cellphone sa iyong trabaho at biglang may dumating na isang artista?
Okay lang bang pakiusapan ang artista na cellphone niya ang gamitin para makapagpa-selfie kayo?
Ito ang nangyari sa furniture shop employee na si Ivan Dominique Calma.
Nitong February 24, 2022, nag-post ang former Sex Bomb Dancer at aktres na si Sunshine Garcia, hanap-hanap ang lalaking nag-request ng selfie sa kanya.
Ang nangyari, walang hawak na cellphone ang lalaki dahil bawal sa trabaho, kaya nag-volunteer si Sunshine na gamitin ang kanyang cellphone at ipapadala na lang picture sa empleyado.
Ang problema, hindi nakuha ni Sunshine ang contact number ng lalaki, kaya noong Biyernes, nanawagan si Sunshine via Facebook para matunton ito.
Post ni Sunshine (published as is): HELP PLS. Gusto magpa pic ni kuya pero wala syang celfone bawal sa work sabi ko Sige ako na magpicture isesend ko sayo hindi pala kami closed
“Kaya kung sino man nakakakilala sa kanya pakitag na lang please baka sabihin nya Jinojoke ko sya”
Kalakip ng post ni Sunshine ay ang selfie niya kasama ang shop employee.
Mistulang nagbayanihan ang netizens at maging ang news outlets ay ibinalita at ipinost ang request ng aktres.
At ngayong Lunes, nakarating na sa shop employee ang kanyang requested selfie with Sunshine.
Ang empleyado ng furniture shop ay si Ivan Dominique Calma.
Sa kanyang FB post, sinabi ni Ivan na nakarating sa kanya ang larawan dahil sa pag-tag sa kanya ng netizens.
Ibinahagi rin niya ang naging pag-uusap nila ni Sunshine nang humiling ito na makipag-selfie.
Bungad daw ni Ivan kay Sunshine: “Gusto ko po sana magpapicture kaso po yung phone ko nasa counter bawal po gamitin on duty. Next time na lang kapag may pagkakataon po ulit”
Sagot ng dancer: “Dito na lang sa phone ko send ko na lang sa iyo bigay mo Viber mo.”
Magiliw raw na pinaunlakan ni Sunshine ang request ni ivan.
Pero sabi ni ivan, “Sa saya ko nakalimutan ko ibigay yung Viber account ko and hindi siya agad agad makabalik sa branch dahil po sa sobrang busy po siguro nila ni Vice Gov. Alex Castro sa work para tumulong sa mga tao.”
Pinasalamatan ni Ivan si Sunshine.
Sabi niya sa netizens: “Thank you sa mga nag tag sa akin para makarating sa akin ang post na ito, appreciate it all so much!
Samantala, may isang netizen ang pinuna ang pinagtatrabahuhan ni Ivan na ipinagbabawal ang cellphone.
Katuwiran naman ng isang netizen, may ibang empleyado na umaabuso kapag nakahawak ng cellphone at hindi inaasikaso ang kanilang customers, kaya iniiwan ito sa counter.
