Sa 2022, naitampok sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang mga pambihirang kuwento ng ilang hayop o mga taong may kinalaman sa mga hayop.
Kabilang sa mga kuwentong nakaagaw ng atensiyon nitong taon ang daan-daang kilo ng lapu-lapu na nabingwit sa Palawan, ang sightings sa Mindoro ng usa na pinaniniwalaang extinct na, at juvenile Philippine eagles na indikasyong hindi pa sila ubos.
Narito ang listahan ng animal stories na binasa, kinagiliwian, at ikinamangha ng netizens.
Higanteng lapu-lapu, Higanteng biyaya
Talaga namang biyayang tunay ang nabingwit na giant lapu-lapu ng mangingisdang si Peter Beldeniza ng Brooke’s Point, Palawan noong May 3, 2022.
Tumitimbang kasi ng 123 kilos ang huli niya.
Naitampok ito sa PEP.ph noong June 2022.

Hindi naman ito ang unang beses na nakahuli si Peter ng higanteng isda.
Noong 2018, nakabingwit din siya ng isda na may timbang na 40 kilos at naibenta niya ito sa halagang PHP4,000.
Samantala, ang higanteng lapu-lapu ay naibenta ni Peter sa halagang PHP19,000.
Read: Higanteng lapu-lapu na nahuli sa Palawan, nabenta sa presyong PHP19K
URUS, PHP10 MILLION DOG
Nakatawag ng pansin sa pet lovers nang maitampok sa isang YouTube vlog ang tungkol sa asong milyones ang presyo.
Marami ang namangha kay Urus, isang “exotic Bully,” na na-feature sa PEP.ph noong March 2022.
Base ang article ng PEP.ph sa February 2021 vlog ni Sam Walastik, isang dog lover at content creator.
Nabanggit dito na si Urus ay nagkakahalaga ng $200,000 o PHP10 milyon.

Ang owner nito ay si Yusuke “Gino" Rinkush ng Spoiled Brat Kennel South Philippines, isang community ng American Bully lovers sa bansa.
Inilahad ni Gino ang kuwento ng kanyang multi-million peso pet dog at paano niya ito nabili.
Sabi ni Gino, “Si Urus is for keep ng may-ari. Actually, ang pinag-uusapan natin dito is not about the price, e.
“It’s about the love that the former owner [gave] to Urus.
“So, syempre, masakit para sa kanya. But para sa kanya, siyempre, pera iyan, e.
“Hindi natin maiaalis… that’s a big punch para sa kanya kaya namin nakuha si Urus.”
Read: Kilalanin si Urus, ang pedigreed dog na nagkakahalaga ng PHP10 million
WHITEY, ANG KAPUSANG TOTOO
Noong January 2022, napaulat ang update kay Whitey, ang agaw-eksenang pusa sa 24 Oras.
Namataan si Whitey sa set ng GMA prime-time news show habang live na naghahatid ng balita si Mel Tiangco noong December 31, 2021, bisperas ng Bagong Taon.
Binansagan ng witty netizens ang pusa bilang “Kapusang Totoo.”
Napag-alaman din na si Whitey at dalawa pa niyang kapatid ay regular na namamataan sa GMA-7 compound.
Sa katunayan ay binibigyan pa sila ng pagkain ng mga employees.
Pero matapos ang “scene-stealing” stint ni Whitey, dinala na siya sa animal shelter para higit na maalagaan.
Read: Pusang rumampa sa set ng 24 Oras dinala na sa animal shelter

UWAK NA HINDI MALAS
Whitey rin ang ipinangalan sa itim na uwak na naitampok sa PEP.ph noong June 2022.
Kung may pamahiin na malas ang uwak, suwerte naman ito para kay Charlotte Peralta ng Pangasinan.
Kuwento ni Charlotte, May 2022 nang may napulot silang uwak na nahulog mula sa isang puno.
Noong una ay nag-alinlangan si Charlotte dahil nga may kasabihang malas umano ang ganitong uri ng ibon.
Pero inalagaan pa rin ito ni Charlotte at nag-research pa kung paano mabigyan ng kalinga ang baby bird.
Sa paglipas ng mga linggo, napamahal si Whitey kay Charlotte at naging tagapagtanggol pa.

Sabi ni Charlotte sa alaga niya: “Sabi nila panget daw mag-alaga ng uwak, kase malas daw?!?
“Ang talino kaya nila tapos cute pa kaso makulit talaga.”
Nag-effort pa si Charlotte na makakuha ng permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para maging legal na alaga nila ang uwak.
Read: "Malas daw?!” Uwak, ginawang alaga ng isang pamilya sa Pangasinan
THE HEARTBREAKING STORY OF PANDA
Kumurot naman sa puso ng netizens ang kuwento ng asong si Panda.
Nag-viral ang tweet ng netizen na si @stubbornicole noong October 2, 2022, ukol sa natagpuan niyang aso na nakatali malapit sa Mandaluyong City Hall.
Ang inabandonang aso ay may kalakip na liham sa kanyang collar.
Sa liham, isinaad ng may-ari na dahil nagagalit ang kanyang ina, hindi na niya maaalagaan pa ang asong si Panda.
Naantig ang netizens sa liham.

May nakapulot kay Panda, at dinala siya nito sa Philippine Pet Birth Control Center Foundation.
Kalaunan ay nakahanap din ng “furever home" ang asong si Panda.
Read: VIRAL: Makadurog-pusong sulat ng dog owner na inabandona ang alaga
MARINDUQUE BROWN DEER
Magandang balita naman ang hatid ng isang usa o deer na namataan sa isang taniman sa kabundukan ng Marinduque noong June 2022.
Ito pala ay isang adult male Philippine Sambar o Marinduque Brown Deer na pinaniniwalaang extinct na mula pa noong 1990s.
Kaya naman ang sighting ng nasabing hayop ay good news dahil nangangahulugang hindi pa talaga sila ubos.
Inalertuhan agad ng nakakitang concerned citizen ang Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team (MAWRET) ukol dito.
Nag-abiso naman ang MAWRET na huwag hulihin o saktan kapag nakita ng mga residente sa Marinduque ang usa.
Bugawin na lamang daw ito papunta sa natural habitat nito.

Nakipag-ugnayan naman ang MAWRET sa DENR para mapag-aralan ang lugar kung saan nakita ang usa at maprotektahan ang kabundukan kung saan sila nakatira.
Ipinagbabawal ang panghuhuli, pagbebenta, at pamiminsala sa mga buhay sa wild sa ilalim ng Republic Act No. 9147, o “An act providing for the conservation and protection of wildlife resources and their habitats, appropriating funds therefor and for other purposes,” na nagkabisa noong July 30, 2001.
Ang sinumang lalabag dito ay maaaring makulong at pagmultahin.
Read: Marinduque Brown Deer na inakalang naubos na ang lahi, muling namataan
IAN FLORENTIN, COBRA PRINCE NG SAN PABLO, LAGUNA
Samantala, marami naman ang namangha kay Ian Florentin na tinaguriang Cobra Prince ng San Pablo, Laguna.
Sa interview niya sa PEP.ph noong Mayo 2022, sinabi ni Ian na 15 years na siyang nanghuhuli ng mga ahas.
Namana ito ni Ian sa kanyang ama na tinagurian namang Cobra King sa kanilang lugar.
Pati ang mga kapatid na lalaki ni Ian ay ginawa ring kabuhayan ang panghuhuli ng mga ahas.
Si Ian ang pinupuntahan o tinatawagan ng mga residenteng humihingi ng tulong para mahuli ang mga ahas na namamalagi sa kanilang bahay, bakuran, at bukiran.
Bagamat delikado ang panghuhuli ng ahas, hindi regular at fixed ang bayad sa snake catcher.
Suwerte na kung mabigyan siya ng PHP400-PHP1500 ng nagpapahuli ng ahas.

Kaya ginawang content ito ni Ian sa kanyang YouTube channel.
Hindi naman pinapatay ni Ian ang mga nahuhuling ahas at pinapakawalan ang mga ito sa liblib na lugar.
Nais ding i-educate ni Ian ang netizens ukol sa mga ahas.
Kilalanin: Ian Florentin, ang Cobra Prince ng San Pablo, Laguna
ASONG GINISING NG RHINO
Makagising-diwa naman ang kuwento ng asong ginising ng isang rhino o rhinoceros na natampok sa PEP.ph noong November 2022.
Base ito sa Twitter post ng Indian Forest Service officer na si Susanta Nanda.
Mabilis nag-viral ang maiksing video na ipinost ni Nanda, kung saan makikita ang isang puting aso sa gilid ng kalsada na nagbababad sa araw at mahimbing na natutulog.
Wala siyang kamalay-malay sa higanteng hayop na naglalakad papalapit sa kanya.
Inamoy-amoy ng colossal animal ang asong nakahilata, at naramdaman naman ng aso na may umaamoy sa kanya kaya nagising ito.
Muntik nang lumipad ang kaluluwa ng aso nang makita niya na isang rhino ang umaamoy sa kanya.
Isang tahol na puno ng takot ang pinakawalan ng aso at kumaripas ito ng takbo papalayo.

Bahagya ring nagulat ang rhino sa nagising na aso na tila hindi alam kung ano ang nangyari.
Umapaw naman ang komento ng netizens tungkol sa nakatatawang eksenang ito.
Read: Aso shock na shock nang ginising ng rhino; lumipad pati kaluluwa sa takot!
SHOCKING IMAGE NG LANGGAM UNDER MICROSCOPE PHOTOGRAPHY
Para namang hinugot sa isang Hollywood horror movie at mistulang computer-generated images (CGI) ang mga inilabas na larawan sa isang photo contest noong October 2022.
Ang mga imahe ay nakamamanghang itsura ng kakaibang creatures.
Pero ang totoo, hindi ito CGI kundi totoong itsura ng mga insekto gamit ang microscope photography.
Ibig sabihin, kinunan ng larawan ang mga insekto sa ilalim ng lenteng five times na magnified ang mga kinukunan.
Pambihira ang resulta ng microscope photography na kuha ng mga insekto, gaya ng carpenter ant at speckled jewel beetle.

Ang mga larawan ay entries sa 2022 Nikon Small World Photomicrography Competition.
Read: Shocking! Tunay na itsura ng langgam, iba pang insekto via microscope photography
ANG 5-MONTH-OLD PHILIPPINE EAGLE NA SI PAMARAYEG III
Mahalaga ang pagkakatuklas kay Pamarayeg III, ang five-month old eagle na nakunan ng larawan sa Bukidnon noong September 2022.
Ang Pamarayeg ay Cebuano word para sa “flirt.”
Nilagyan ng “III” ang pangalan nito dahil ito ang ikatlong juvenile Philippine eagle na nakunan sa iisang spot sa Mount Kitanglad Range Natural Park, Bukidnon, batay sa Robert Kennedy Research Group.
Ang nakakuha ng larawan ni Pamarayeg III ay si Ven Rojas, miyembro at isa sa founding trustees ng Wild Bird Photographers of the Philippines (WBPP), isang grupo na nagdodokumento ng mga wild birds sa Pilipinas.
Dahil nadiskubre si Pamarayeg III at ang mga nauna pa sa kanya, napatunayang nadadagdagan ang bilang ng Philippine eagle na naninirahan sa wild.

Itinuturing nang rare at critically endangered ang Philippine eagle, kaya ipinagbabawal ang mangaso nito.
Kabilang ang Philippine eagle sa mga protektado sa ilalim ng Republic Act No. 9147, o “An act providing for the conservation and protection of wildlife resources and their habitats, appropriating funds therefor and for other purposes,” na nagkabisa noong July 30, 2001.
Read: Nasilayan sa wakas si Pamarayeg lll, ang 5-month-old Philippine eagle
