Isang dambuhalang blue marlin o susay ang nahuli ng mga mangingisda sa Brgy. Dardarat, Cabugao, Ilocos Sur, noong November 15, 2022.
Ang timbang ng giant blue marlin ay tinatayang 270-300 kilos.
Umabot ng pitong metro o 20 feet ang isda, na halos kasing haba na ng isang bangka.

Kahit na 16 na mangingisda ang nagtulong-tulong na buhatin ang isda, inabot pa rin sila ng kalahating araw para madala ito sa dalampasigan.
Sa videos na in-upload ng mga residente, maririnig ang sigawan, pagkamangha, at tuwa nila sa malaking biyayang mula sa dagat.
Kita rin sa videos na hindi magkandaugaga ang mga residente na makunan ang higanteng isda.
Nahuli ng mga mangingisda ang kanilang big catch bandang alas otso ng umaga, pero inabot na sila ng dilim nang maihango nila ito sa dalampasigan.
Mapapanood sa videos na gumamit ang mga mangingisda ng pagkabit-kabit ng mga mahahabang kahoy para mabuhat ang blue marlin.
Kuwento pa ng anak ng isa sa mga mangingisda, natusok pa ng sword o nguso ng blue marlin ang bangka nang mahuli ito sa laot.

Pero buti na lang ay ligtas pa ring nakarating ang mga mangingisda sa dalampasigan.
Sabi ng uploader na si Trina Mae Solar sa interview ng GMA Regional TV One North Central Luzon, “Kasi iyong ganoon po kalaki, hindi kaya ng bangka na isakay. Sa lakas [ng isda], hindi nila mahila lahat.
Dagdag pa ni Trina na anak ng isa sa mga nakahuli, "Marami naman ang dumarating para mamili ng isda noong gabing iyon kaya nabenta agad namin.”

Paliwanag naman ng Ilocos Sur Fisheries Division, naglalabasan ang mga malalaking isda sa pagsapit ng “ber” months.
Sa katunayan pa nga raw, may naitala sila noon na nahuling higanteng isda na may timbang na 350 kilos.
