Tila nagdilang-anghel ang isang ginang sa Davao Del Sur matapos niyang biruin ang kanyang mister na sana ay makakita sila ng ginto sa kanilang pangingisda.
Ang ginang na itinago sa pangalang “Lani” kasama ang kanyang mister ay pumalaot sa karagatan para mamingwit ng isda na kanilang iuulam.
Habang nasa laot, nagkatotoo ngang may sumabit na kuwintas na ginto sa kanilang lambat nang iahon.

Ang pambihirang insidente ay naganap last September 16, 2022, pero naiulat lang sa November 8 episode ng programang Kapuso Mo, Jessica Soho.
Ayon kay Lani, ang sabi niya sa kanyang mister habang nangingisda sila, “Baka makahuli tayo, e, di meron tayong PHP250. At makakabili tayo ng bigas.”
Hirit pa raw niya, “Baka di tumagal makakita pa tayo ng ginto.”
Kaya laking gulat nila nang iahon ang kanilang lambat at makita ang sumabit na kuwintas.
Nang una nilang makita ang nalambat na kuwintas ay inakala nilang peke iyon at may aksidenteng nakahulog lang sa dagat.
Isang kapatid niya ang nag-search sa Internet ng disenyo ng kuwintas, at nakitang may mga katulad ito at posibleng antigo.
Nanghiram ng pera ang kapatid ni Lani para may maipamasahe at pinatingnan sa alahero kung totoong ginto ang kuwintas.

Kinumpirma ng pawnshop na nagsuri na ginto nga ang kuwintas na may timbang na halos 100 gramo.
Ipinakita naman ng KMJS team ang photo ng kuwintas sa antique collector na si Dr. Potenciano Malvar.
Ayon kay Dr. Malvar, may koleksyon siya na kagaya ng nalambat na kuwintas.
Purong ginto aniya ang ganitong uri ng alahas na mahigit 500 taon na.
Dagdag pa niya, kung tunay na antigo ang kuwintas na hawak nina Lani, "These are pure gold beyond 500 years.
"Priceless ang item na ‘yan na puwedeng i-exhibit sa any museum.”

Samantala, napag-alaman na ibinenta na nina Lani ang kuwintas sa private collector na si Mayor Jose Nelson "Tata" Sala, ng Sta Cruz, Davao del Sur.
Ayon kay Sala, binili niya sa halagang PHP400,000.00 ang alahas, hindi dahil ginto kundi dahil sa historical value nito.
Sa kasalukuyan, ang Monex Live Gold Spot Prices ng ginto ay US$53.98 (PHP3122.96) kada gramo. Ang maganda sa ginto, mas tumataas ang value nito.
Ang Monex ay industry leader sa marketplace ng precious metals.
Napag-alaman na mula sa pinagbentahan ng kuwintas ay natubos na rin nina Lani ang lupa ng kanilang ama na isang dekada nang nakasangla.