Simula noong magkaroon ng near-death experience ang taxi driver na si Erik, nakakaramdam na ito ng mga multo sa paligid.
Ikinuwento ni Erik, 48, ang kanyang karanasan sa writer na ito noong October 17, 2022.
Dahil pareho pala kaming Batangueño, mabilis kaming nagkapalagayang-loob habang nasa biyahe.

Aniya, “Malaki ang pasasalamat ko sa pagiging taxi driver, kabayan. Dahil dito, nakaka-survive ako.”
Nang huminto sa isang stoplight ay tinanggal ni Erik ang kanyang cap. Lumantad ang kanyang noo na tila hinukay.
Pag wala siyang cap, kitang-kita ang dispormado niyang noo.
Inakala ng writer na ito na dahil iyon sa aksidente.
Pero paliwanag ni Erik, “Survivor kasi ako ng aneurysm. Sa totoo lang, kabayan, naranasan ko na ang mamatay.
“Hindi lang isa, dalawang beses na.”
MUNTIK MAMATAY DAHIL SA ANEURYSM
Pagbabahagi ni Erik habang umuusad nang muli ang taxi, noong 2012 siya tinamaan ng aneurysm.

Ang brain aneurysm ay mahina at lumolobong bahagi ng ugat sa utak. Kadalasan ay wala itong sintomas. Kapag pumutok ang brain aneurysm, tatagas ang dugo sa buong utak. Maiipon ang dugo sa subarachnoid space at maaari itong magdulot ng stroke.
Kapag pumutok ang brain aneurysm, kailangan tumawag agad ng emergency o dalhin sa pinakamalapit na hospital ang pasyente.
Kuwento pa ni Erik, “Buti na lang at sa bahay ako inabot. Sa banyo. Buti na rin at hindi ako nabagok.
“Nakita na lang ako ni Misis na walang malay at nadala sa ospital.”
Nang operahan siya, inalis ang buto sa kanyang noo kaya lubog na ang bahaging iyon ng kanyang ulo.
Nasa dalawang milyong piso aniya ang nagastos sa kanyang operasyon.
“At mula noon, wala na ring tumatanggap sa akin bilang family driver,” malungkot niyang sambit. “Naaasiwa siguro sa hitsura ko.
“Saka nagkaroon din kasi ako ng epilepsy. Minsan may mga atake. May gamot naman pero sobrang mahal.”

Kaya niya nasabi na nakaka-survive siya sa pagiging taxi driver dahil puwede siyang magsuot ng cap habang nagmamaneho.
“Mahirap nga lang magmaneho ng taxi, kabayan. Halos dito na kami nakatira."
NAKAKARAMDAM NG MGA MULTO
Dagdag na hirit pa ni Erik, "Madalas pa akong makakita ng multo.”
Di ako sigurado kung nagbibiro lang si Erik, kaya tinanong ko kung totoong nakakakita siya ng multo kapag nagmamaneho.
“Oo,” mabilis niyang sagot. “Madalas ding diyan nakapuwesto sa inuupuan mo. Pag madaling araw na pag gagarahe na ako.”
Nasa bandang kanan ako sa likod, at kahit tirik ang araw ay bahagya akong nakaramdam ng kilabot!
“Babae madalas ang nagpaparamdam sa akin,” patuloy ni Erik. “Sa totoo lang, kabayan, di ko naman nakikita ang mukha. Laging blangko.
“Hindi ko nakikita dito sa rearview mirror. Pag medyo tumaas yung mga balahibo ko, lilingon ako. Yun, andiyan na. Nakatingin sa labas.”
Nagsimula lang aniya ang mga paramdam na ito nang maoperahan na siya sa ulo.
“Nang operahan kasi ako, pakiramdam ko patay na ako noon. Sa totoo lang, narating ko na yung sinasabing kabilang dako o other side.
“Marami akong nakita roon na baka di ka naman maniwala kahit sabihin ko. Yung mga nakaranas mag-near-death experience, alam ang sinasabi ko.
“Di rin naman magkukuwento ang mga nag-near-death experience sa nangyari sa kanila at kung anu-ano ang nakita nila dahil sino ba ang maniniwala? Baka isipin, nasisira na ang ulo namin.”

Karamihan sa mga nag-near-death experience ang nagsabing dumaan sila sa tila tunnel, at kung anu-anong hiwaga ang nararanasan at nakikita.
At dahil sa taxi na rin natutulog si Erik, madalas aniya siyang magising na may multo ng batang lalaki sa loob ng taxi.
“Dito ako sa passenger seat nahihiga, iniuunat ko.
“Maaalimpungatan ako niyan, may bata dito sa driver seat at nilalaro ang manibela.
“Ganoon din, walang mukha...”
Tanong ko sa kanya, ano ang nararamdaman niya kapag nakakakita ng multo?
“Takot siyempre! Hindi ko na lang uli tinitingnan.
“Pero nakasanayan ko na. Lalo na noong second time na nag-near-death experience ako.”
Ani Erik, noong 2020 na bawal pa ang taxi, namasukan siyang food delivery rider gamit ang motorksiklo para kumita.
“Nabangga ako ng kapwa ko nakamotorsiklo. Total blackout agad ako, kabayan.”
At gaya nang tamaan siya ng aneurysm, nakarating umano siyang muli sa other side, at nagsimula na namang makakita ng mga kakaiba.
“Akala ko katapusan ko na noon. Matindi ang aksidente. Nilagyan din ng bakal ang kamay ko.

“Pero ito, laban lang... Maraming salamat sa Diyos at buhay pa rin. Masarap pa ring mabuhay kahit maraming problema at utang, kabayan.”
Bago ako bumaba, sinabi ni Erik na mahalaga ang faith sa isang tao para maiwasang matakot sa multo.
At sa nangyari sa kanya, isang bagay ang napatunayan niya.
“Pag hindi mo pa talaga oras, kahit anong mangyari sa iyo, hindi ka pa mamamatay.”
Nagbigay rin siya ng pahintulot na maibahagi ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang kanyang kuwento.