“Jackpot!”
Ito ang nasambit ni Jerome Salvaña, 30, ng Jasaan-Claveria, Misamis Oriental dahil sa nabingwit niyang monster eel o igat.
Kasili ang tawag dito sa probinsiya ni Jerome.
“Sobrang laki. Halimaw. Ang bigat,” ang mga salitang lumabas sa bibig ni Jerome sa video na ipinost niya kung saan makikitang hirap na hirap siyang buhatin ang dambuhalang huli.
Tinatayang 5 feet ang haba at tumitimbang ng 10 kilos ang higanteng igat na nahuli ni Jerome at kaibigang si Romy Brandares, 29.

Halos sintaas ng isang tao at 10 kilos ang bigat ng nahuling giant eel sa Misamis Oriental.
Si Jerome ay isang school maintenance worker, habang si Romy ay isang vendor. Nakahiligan nila pareho ang pamimingwit ng igat, isda, at palaka.
Ani Jerome sa Philippine Entertainment Portal noong October 13, 2022, ang giant eel ang kanyang pinakamalaking huli sa ngayon.
Nahuli nila ito sa Cabulig River sa Jasaan noong umaga ng October 12, 2022, Miyerkules.
Lahad ni Jerome, ang kawil (fishing line with hook) ay ilalagay sa gilid ng ilog sa hapon at iiwan magdamag.
Pagsapit ng umaga, laking gulat daw ni Jerome nang makitang isang higanteng igat ang nabingwit ng kanilang kawil.
“Sa akin ito pa lang yung pinakamalaki ko na nahuli,” ani Jerome.
Ani Jerome, may mga mas malalaking igat na nahuli noon si Romy subalit hindi ito nakunan ng larawan o video.

Sabi ni Jerome, ito ang pinakamalaking palos na kanyang nahuli.
Read:
- Higanteng lapu-lapu na nahuli sa Palawan, nabenta sa presyong PHP19K
- "Monster catch!" Higanteng sea bass o barramundi, nabingwit sa Iloilo River
MALalAKING IGAT sa kanilang lugar
Hindi naman daw kataka-taka sa kanilang lugar na makahuli ng mga higanteng palos.
Pero hindi talaga sila madaling hulihin.
“Meron naman dito. Marami na malalaki [pero] minsan lang mahuhuli kasi minsan lang kumain sa pain sa kawil,” sabi ni Jerome.
Mayroon ding kagaya niyang hunters sa kanilang lugar.
“Pero hindi ganoon karami kasi pahirapan ang pag-hunting ng igat," sundot ni Jerome.
“Yung mga falls, mahirap yung mga daan. ‘Tapos malayo pa, malayong area.”
Ito rin ang naiisip na dahilan ni Jerome kung bakit dambuhala ang mga igat sa kanilang lugar.
“Hindi sila gaano naiistorbo ng tao kaya ganoon sila kalaki.”

Ani Jerome, may thrill ang paghuli ng higanteng igat dahil hindi ito madaling hulihin.
Two years nang eel hunter si Jerome at iba raw ang kasiyahang naidudulot nito sa kanya.
“Masaya kasi pag makahuli ka ng ganyang mga isda kasi bukod sa may ulam na, nakapag-vlog kami sa aming mga YouTube channel.
Ginagawang content ito sa sinimulang vlogs nina Jorome (Meljhey Fishing Adventure) at Romy (Romz’ hunter).
Dagdag ni Jerome, “Para na akong naa-adik sa paghuli ng kasili, kasi interesado ako sa isda na iyan,” sabi niya.
Ibang thrill ang nakukuha ni Jerome kapag nakahuli ng malaking igat na mahirap hulihin.
Ang eel ay kinukunsiderang isang uri ng isda na usually ay may habang two to three and a half feet.

Kasama ni Jerome ang fellow hunter na si Romy Brandares (right) nang mahuli ang giant igat.
MARAMING NAKINABANG
Kuwento ni Jerome, marami ang nakinabang sa nahuli nilang giant eel.
Ang apat na kilo rito ay ibinenta nila sa halagang PHP1,000.
“Yung iba, aming inulam. Yung iba binigay sa mga kaibigan namin,” ang sabi ni Jerome.
"Sa kasama ko [Romy] lahat ng kasama niya na vendors binigyan niya sa niluto niya na ginataang palos.
“’Tapos meron pang pinsan niya na nasa malayo. Bumiyahe lang para makuha ang hiningi niya na palos sa bandang ulo.
“Sa akin, mga kasamahan ko sa trabaho—mga teacher at driver. Marami kaming nabigyan," sambit ni Jerome ukol sa kanilang big catch.
