Panahon na naman ng takutan dahil nalalapit na ang Araw ng mga Patay.
Kaya tiyak na dadami ang magagawi sa mga horror houses, gaya ng Ghost Town XVII, na 17 years nang dinarayo sa San Roque, Baliuag, sa Bulacan.
Pero hindi lang pala mga bisita ang natatakot dito, kundi maging ang mga empleyado.
Ayon sa ilang staff ng Ghost Town XVII, sila mismo ay nakakaramdam ng kakaiba, tulad ng pagtulak sa kanila at paghawak sa kanilang damit.
May ilang pagkakataon pa ngang nagpapakita ang isang misteryosong bata na bigla na lamang nawawala.
Para siyasatin ang abanodanong mansion na ginawang horror house, nagtungo sa lugar ang Dapat Alam Mo! kasama ang paranormal researcher na si Ed Caluag.
Layon ni Ed na alamin kung totoo bang may real-life horror dito. Bukod ba sa mga empleyadong nananakot, may iba pa bang mga elementong gumagala sa paligid at naghahatid ng tunay na katatakutan?
ANG TATLONG DALAGITA AT SI “ERIKA”
Sa pag-iikot ng researcher sa haunted mansion, may naramdaman siyang mga bagay na kakaiba.
Ani Ed, “Nahihirapan ako. Bumibigat yung pakiramdam ko po. Yung para kang, para kang inaano, sinasakal.
“Nasu-suffocate ako na parang… parang amoy ng usok.”
May naramdaman din siyang tatlong dalagita na tila ba nasa loob ng maraming usok.
May nakakikilabot daw na pangyayari ukol dito ayon sa kuwento ng caretaker ng Ghost Town XVII na si Vilma.
Noon daw ay bumangga ang sinasakyang kotse ng tatlong magpipinsang dalagita sa may puno ng acacia, sa mismong puwesto kung saan naramdaman ni Ed ang pagka-suffocate.
Sabi ni Vilma, “Dun sila bumangga, nasunog sila.”
Sa isa pang banda ng mansion, habang kasama ang may-ari ng horror house na si Philip Victoria Jr., may naramdaman si Ed na isang tila nagbigti o sadyang binigti.
Sinubukan ni Ed na kausapin ang presensyiang nararamdaman niya at tinanong ang pangalan.
Ilang sandali pa, may na-record na boses ng isang babae sa kanyang aparatong ipinahawak kay Phillip.
Tatlong beses umano nitong binanggit na ang pangalan nya ay “Erika.”
Sa pinagdugtong-dugtong na kuwento ng boses, siya ay “binigti” “sa labas” ng “kitchen” ng bahay.
Ang parehong boses din ang nagsabing “nandito sila,” na sa interpretasyon ni Ed ang ibig sabihin ay marami sila.
Aniya, mabigat ang vibes sa pagsuyod niya sa iba’t ibang bahagi ng mansion, patunay ito na maraming entities at spirits ang namamalagi rito.
Normal lamang daw ito sa mga lugar na tulad ng inabandonang mansion.
Payo ni Ed sa mga mahilig mag-enjoy sa mga nakakatakot na attraction tulad ng Ghost Town: “Bago sila lumabas, kumbaga gawin nating ano yung, magpapagpag.
“Ang gagawin lang naman para hindi makapag-uwi ng kung anuman yung nandito.
“Kumuha ng salt, itatapon sa likod, bago sila mag-step out sa gate, dun sa mismong labasan.”