Kahit na di matatawag na very artistic ang design ng tattoo sa braso ni Bojo Dela Cruz Aquino, 23, itinuturing niya ito na "most beautiful masterpiece ever."
Ang tattoo ay mukhang sulat-kamay ng isang bata at listahan ito ng mga kiddie drinks at sitsirya.
Pag-amin ni Bojo, tampulan ito ng katatawanan sa ibang tao.
Sabi niya sa kanyang Facebook post (published as is), “Bat may Yakult, doritos jan?”
Pero wala raw siyang pakialam sa opinyon ng iba, dahil ang tattoo ay ang huling listahan na ginawa ng kanyang 13 anyos na bunsong kapatid na si Junior bago ito mamatay.
Si Junior na “li’l bro” ni Bojo ay pumanaw nito lamang Hunyo 2022 dahil sa severe pneumonia.
“[Noong] June po, he was diagnosed with severe pneumonia. And then almost a week po siya sa hospital, until hindi na kinaya ng katawan niya,” lahad ni Bojo sa interview ng Sakto ng TeleRadyo nitong October 11, 2022.
“Pinilit naming ilaban. Siguro hanggang doon na lang ang buhay na ibinigay sa kanya.”

Inilahad ni Bojo Aquino (left) ang kahalagahan ng tattoo sa kanyang braso na listahan ng mga grocery list ng kanyang pumanaw na kapatid.
NAKAUGALIANG MAGLISTA NG MGA GUSTONG BILHIN
Inilahad ni Bojo ang kuwento sa likod ng kanyang tattoo.
Si Bojo ay two years nang nagtatrabaho bilang factory worker sa Taiwan.
Sa tuwing sahod, si Junior ang masigasig na nagmemensahe sa kanyang kuya para alamin kung dumating na ang sahod nito.
Gagawa si Junior ng grocery list ng mga nais niyang bilhin.
“Ganoon talaga yung bonding namin, kasi bilang ako po yung panganay, siya po ang bunso,” sabi ni Bojo.
“Ang turing ko po sa kanya, e, parang siya po ang eldest son ko.”
Pagsapit ng payday, asahan daw niya na magmi-message na si Junior.
“Siya po yung pinaka-nagcha-chat sa akin para magtanong, ‘Kuya, may sahod ka na ba?’ para makapag-grocery na sila ng mga kailangan nila.
“May sarili po talaga siyang grocery list, 'tsaka mga gusto niyang ipabili sa akin.
“Iyan ang way po ng paglalambing niya sa akin.”
Ang tattoo ni Bojo ang huling grocery list ng bunsong kapatid bago ito pumanaw.
Para patuloy na mabuhay ang alaala ng kapatid, ang listahan na ito ang ipina-tattoo ni Bojo sa kanyang braso.
Sabi ni Bojo, “Ito na rin po yung ginawa kong way para ma-cope yung pain, ma-handle yung sarili ko. Tsaka memory na rin po niya sa akin.
“Ito yung pinaka-way niya para maglambing. So tuwing tinitingnan ko po yung tattoo ko kapag nawawalan ako ng gana sa buhay dahil sa nangyari, feeling ko namo-motivate pa rin po ako para mag-move forward.”
