Pinagkakakitaan ngayon ng isang person deprived of liberty (PDL) sa Baguio City ang paggawa ng keychain mula sa buto ng bulalo.
Dalawang taon nang nakapiit ang PDL na si Carlo, hindi niya tunay na pangalan, na nakaisip gumawa ng bulalo keychain.
Ayon sa panayam kay Carlo ng Philippine News Agency noong October 3, 2022, naisip niya ang proyekto dahil sa kakaibang hugis ng bulalo at matigas na kalidad ng buto ng baka.
Aniya, “Itatapon lang naman ito pero pwedeng pagkakitaan kung makikita ng mga nagtitinda ng bulalo at gagawin nilang souvenir item para sa regular customers nila.”
Gusto rin niyang may kinikita siya habang nasa loob ng piitan.
“Maliit lang ang kinikita pero kaysa wala. Kahit papaano may naiaabot ako sa pamilya ko kapag may nabebenta.”
Bukod sa bulalo keychain, gumagawa rin siya ng walis tambo.
Ang Baguio City Jail Male Dorm ang bumibili ng materyales para sa mga proyektong ginagawa ni Carlo at ng iba pang inmates doon, at tumutulong ibenta ang mga produkto.

Ang mga PDLs ay isinasailalim sa trainings para matulo ng skills na makatutulong silang maging productive.
Ayon kay BCJMD warden Supt. Mary Ann Ollaging Tresmanio, ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA at iba pang katuwang ang nagtuturo sa mga PDLs kung paano gumawa ng mga crafts.

Ang goal ng pagtuturo sa kanila ng livelihood activities magkaroon ng maaaring mapagkakitaan habang nasa piitan o kaya ay sa oras na makalaya sila.
Ang ganito aniyang livelihood activities ay bahagi ng humane safekeeping mission ng BJMP, at para may pinagkakaabalahan ang mga PDLs.
Ani Tresmanio, “There are PDLs who return to the community when their cases are dismissed and the BJMP wants them to be prepared to live a decent life capable of earning a living."