Usap-usapan nitong mga nakaraang araw ang tungkol sa sinkhole na natagpuan sa Santiago, Chile.
Nitong nagdaang linggo lang, misteryosong tumambad sa mga lokal ang napakalaking butas sa isang minahan ng tanso sa bandang norte ng bansa.
Ayon sa ulat ng Reuters, ang minahan ay pinamamahalaan ng Canadian Lundin Mining. Isa itong copper mine na matatagpuan 665 kilometro o 413 milya norte ng Santiago.
Sinadya na ito ng Chilean media para makuhaan ng aerial images.
Sa ngayon, alam na ito ng The National Service of Geology and Sernageomin, ang national geology and mining service ng Chile. Nagpadala na rin ang ahensiya ng eksperto para masuri ang area.
Ang sinkhole ay may haba na 82 feet in diameter o lapad at 656 feet ang lalim.

Sa panayam ng Chilean media kay David Montenegro, Sernageomin agency director, sinabi nitong walang na-detect na anumang material sa ilalim ng sinkhole.
“But we have seen the presence of a lot of water,” sabi pa ni Montenegro.
Naglabas na rin ng statement ang Lundin Mining na hindi anila nakakaapekto ang sinkhole sa mga trabahador at sa mga naninirahan sa komunidad.
Ang pinakamalapit na bahay ay 600 meters ang layo sa sinkhole at ang pinakamataong lugar ay isang kilometro pa ang layo mula sa mapanganib na lugar.
Sa YouTube ng Global News, nagpahayag ng pagkabahala si Tierra Amarilla Mayor Cristobal Zuniga Arancibia dahil aktibo ang sinkhole.
Ibig sabihin, patuloy itong lumalaki sa pagdaan ng mga araw at ngayon lang daw sila nakakita ng ganitong pangyayari.
Ang Lundin Mining ang nagmamay-ari ng 80% ng property at ang 20% naman ay hawak ng Sumitomo Corporation ng Japan.
Sa UNTV News, iniulat ang pagpapasara ng unahang bahagi ng minahan kung saan sakop nito ang bandang pasukan ng mga tao.
Sana sa paglipas ng mga araw, mabigyan na ng linaw ng mga awtoridad kung ano ang dahilan ng pangyayaring ito.
Inaasahan ding mabigyan ng guidelines ang mga tao sa paligid kung paanong pag-iingat ang dapat nilang gawin.
SINKHOLE GOT BIGGER
Samantala, sa pinakahuling update nitong August 7, 2022, natuklasang dumoble ang laki ng sinkhole.
Sa naunang 82 feet na diameter nito, naging 160 feet na ito. Ang lapad na ito ay sapat para magkasya ang Arc de Triomphe, ang tanyag na monumento sa France, ulat ng Reuters.
Dahil dito, ipinag-utos ng mga opisyal na itigil ang pagtatrabaho ng mga minero sa kalapit na copper mine.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing sinkhole.