Trending ngayon ang inilabas na executive order ng munisipalidad ng Mulanay, Quezon.
Nakasaad kasi doon na ang mga empleyado ng munisipyo ay kailangang nakangiti kapag may transaksyon sa mga constituent.

Sa Executive Order No. 002, Series of 2022 na inilabas noong July 5, 2022, ipinag-utos ni Mulanay Mayor Aristotle Aguirre na isang flagship program ng kanyang administrasyon ang pagpapatupad ng “smile policy.”

Isa ito sa mga ipinangako niya sa mga taga-Mulanay noong panahon ng kampanya.
Paraan din aniya ito para ipakita ng mga tauhan ng munisipyo ang kanilang tapat, malumanay, at friendly na pagkakaloob ng serbisyo sa lahat.
“To institute a positive approach of change true to the promise of 'Aangat Aasenso,' all departments/offices/units/sections of the Local Government Unit of Mulanay shall adopt a 'SMILE policy' while serving the people to give sincerity by showing a feeling of calmness and friendly atmosphere,” ayon sa EO.
May kaukulan ding parusa para sa sinumang empleyado o opisyal na lalabag sa patakaran.
Ayon kay Aguirre, “Dapat na maramdaman ng mga Mulanayin na sila ang totoong pinagsisilbihan ng mga lingkod bayan. Dahil kapag sinabing public servant, ikaw ay alipin ng taong bayan.”
Samantala, ang smile policy ay isa rin sa unang ipinatutupad ni Silang, Cavite Mayor Kevin Anarna.

Ayon kay Anarna, ang pagiging palangiti ng mga empleyado ng munisipyo ang isa sa mga pagbabago sa estilo ng paglilingkod sa bayan.
Saad niya sa isang talumpati, “Unang-una po, dapat po, pag pumunta po ngayon sa munisipyo, lahat ng empleyado, nakangiti. Bawal na ang sumimangot.”
Biro pa ni Anarna, “Yung iba po kasi nating empleyado, hindi ko po alam kung ipinaglihi sa sama ng loob.”
At para maiwasan ang kulay pulitika, isang kulay lang ang gagamitin para sa uniporme ng mga empleyado ng munisipyo ng Silang.
Paliwanag ni Anarna, “Magsisimula po tayo sa kulay ng damit ng mga empleyado natin. Hindi na po kulay blue, hindi na kulay pink, hindi kulay orange, hindi kulay green kundi neutral color na puti na lamang ho.
“Para po pagpunta niyo po sa munisipyo natin, kahit kayo’y hindi sumuporta o kayo’y kakampi, hindi niyo po mararamdaman na kayo ay pagkakaitan ng serbisyo ng atin pong munisipyo. Wala na pong kulay-pulitika.”
Tulad sa EO ng Mulanay, ang mga lalabag sa kautusan ni Anarna ay mahaharap sa disciplinary action.