Isang Pinay ang naging biktima na naman ng Asian hate sa America.
Pero may kakaibang twist sa insidente.
Noong June 4, 2022 ay nag-tweet si Philippine Consul General Elmer Cato ng larawan sa naganap na insidente sa N Broadway Express ng New York City Subway.
Batay sa tweet ni Cato, isang babae na hindi niya binanggit ang nationality ang dumura sa kamay nito habang sakay ng train saka ipinahid sa katabing Pinay na hospital worker.
Hindi umano pinalampas ng Pinay ang ginawa ng katabi at sinapak ito.
Ayon pa sa tweet ni Cato ay nakakita ng mga bituin ang nandura—na ang ibig niyang sabihin ay plakda ito matapos masapak ng Pinay.
Mula aniya ang Pinay sa pamilya ng mga boxing legends sa Pilipinas.
Hindi na pinangalanan ni Cato ang Pinay para mapangalagaan ang kaligtasan nito.
Sa mga nakalipas na panahon ay ilang Pilipino ang madalas maging biktima ng anti-Asian hate sa U.S.—lalo na nang pumutok ang pandemya.
Noong March 2022 ay isang 67-year-old Pinay ang malubhang nasugatan matapos siyang atakihin sa loob ng kanyang sa apartment building sa siyudad ng Yonkers.
Naging biktima rin ng Asian hate crime sa New York ang Filipino theater actor na si Miguel Braganza noong August 7, 2021.
Batay sa pinakahuling ulat ng Stop Asian American Pacific Islander (AAPI) Hate, ikatlo ang mga Pilipino sa top anti-Asian hate victims sa U.S.
Sa 10,905 hate incidents na naitala ng AAPI mula March 2020 hanggang December 2021, ang 917 dito ay mga Pilipino.
Madalas mangyari ang insidente sa mga kalye, open spaces, public transportation, at maging sa private residences.
Bukod sa physical assault, karaniwang nakararanas ang mga Asian ng harassment, pagtataboy sa mga kainan, job discrimination, hindi inaasikaso kapag kailangan ng serbisyo o di kaya ay dinuduraan.