Nakunan ni Melo Villareal, isang travel blogger, ng mga larawan ang floating sari-sari store sa Manjuyod Sandbar sa baybayin ng Bais, Negros Oriental.

Ang Manjuyod Sandbar ang itinuturing na “Maldives of the Philippines.” Sikat ito sa mga turista dahil sa puting buhangin sa dalampasigan at sa dolphin watching.
Nai-post niya ang mga larawan ng floating sari-sari store noong April 11, 2022 sa kanyang Out of Town Travel Blog.

Nilagyan niya ito ng caption na (published as is): “Floating Convenience Store? We call it SEA-ven Eleven.”
Ang floating sari-sari store ay bangka na may mga panindang chips, instant coffee, biscuits, soda at beer.
Karaniwang customer nito ang mga turistang namamasyal doon at nag-i-stay sa mga cottage na nasa dagat.
Ayon kay Melo, tuwang-tuwa ang mga turista sa floating sari-sari store. Tatlo aniya ang nakita niyang umiikot sa pagtitinda.

Aprubado naman sa mga netizens ang idea ng floating sari-sari store.
Maayos na paraan ito ng paghahanapbuhay, at convenient para sa mga turista—kahit may kamahalan ang presyo ng mga paninda.
May "namulubi" nga raw sa yelo na ang presyo ay 100 pesos.
May mga netizens na concerned naman sa pagkalat ng basura sa dagat kaya sana raw ay responsable ang mga vendors.