Para kay Pangulong Rodrigo Duterte, ang Pilipinas ay naging "Republic of Marites" na.
Pabiro niya itong sinabi sa kanyang public address noong May 12, 2022, matapos pasalamatan ang mga kumandidato at ang mga botanteng Pilipino na lumahok sa nakaraang halalan.
Sabi ng Pangulo, "Kung gusto niyo ng tsismis, marami ako.
"This is a Republic of Marites na ngayon. Lahat ng tao may tsismis. Babae, lalaki. Noon sa mga babae lang iyan [ang pakikipagtsismisan]."
Sa video ay makikita ang ilang miyembro ng Gabinete na natawa sa tinuran ng Pangulo.
Ayon pa kay Duterte, naaawa siya sa mga kababaihan na ang pangalan ay Marites dahil sa ating kultura ngayon ay naging kahulugan ito ng tsismosa.
"Nakakawawa mga babae na pangalan Marites talaga. Pagsabi dun sa classroom, Marites, ganun, tsismosa—lahat naman."
Sumikat ang alyas na Marites sa mga tsismosa nitong pandemic.
Nung tinanggal ni Manila Mayor Isko Moreno ang liquor ban noong August 2020, marami ang nagbunyi.
Pero may isang netizen na nagngangalang "Marites" na nagsabi sa comments section ng Facebook post ng alkalde na, "Dapat may liquor ban Mayor. Hindi nman po yan essential needs."
Ang sagot ng karamihan sa comment ay, "Manahimik ka Marites."

In less than a year, naging favorite expression ito online, at ang kahulugan ay tila naging shortcut ng, "Mare, ito ang latest!"
Hanggang sa nanganak ito at nagkaroon ng mga pinsan:
- si Mosang (short for tsismosa)
- si Marietta, na ang ibig sabihin ay, "Mare, ito pa"
- si Marisol (short for mareng tagasulsol)
- si Marissa, na ang ibig sabihin ay, "Mare, isa pa."
Sa ngayon, ito na ang tawag sa mga taong mahilig sumagap o magkalat ng tsismis.
Bago naman ang pagbibiro ng Pangulo, ginanap ang Cabinet meeting para talakayin ang Presidential Transition Committee. Ito ay para maging madali ang pagsasalin ng kapangyarihan sa susunod na pangulo at bagong administrasyon.