Isang barangay sa Tawi-Tawi ang binabalot ng takot at pangamba dahil tila nakaabang ang mga buwaya sa ilalim ng mga bahay, lalo na sa pagsapit ng gabi.
Ang mga residente sa Barangay Pagasinan sa bayan ng Bongao ay may kanya-kanyang kuwento tungkol sa pangambang dulot ng paglapit ng mga buwaya sa kanilang mga tirahan.
Ang mga buwayang ito, kinakain ang kanilang mga alagang hayop, gaya ng manok, pusa, at aso.
Read also: Kinatatakutang dambulang crocodile, nahuli sa Palawan
Kuha sa kanilang mga camera ang mga buwayang nagtatago sa dilim, nakalublob sa tubig sa ilalim ng kanilang mga kabahayan.

Naitampok sa Kapuso Mo, Jessica Soho ang kuwento ng mga buwayang ito noong Linggo, May 8, 2022.
Ang sabi ng isang residente, hindi na bago sa kanila na may mga buwaya sa kanilang lugar.
Taong 2018 pa nila pinamahayan ang mga bakawan o mangroves.
Pero ngayon ay unti-unti nang gumagapang ang mga ito sa kanilang komunidad. May mga nakikita silang buwaya na umaabot ng dalawa hanggang tatlong metro ang haba.
Ani Ferwina Kandah, isang residente, “Nitong pandemic lang sila dumami. Magkakaiba yung size, magkaiba din yung laki.
“Marami silang kinakain. Mga alaga naming mga pusa, aso. Mahal na mahal ko iyon, e, alaga ko iyon.”
Dugtong ni Ferwina, maging sila ay nangangamba sa kanilang kaligtasan.
“Hindi normal na may buwaya sa ilalim ng bahay kasi nakakatakot. Kasi hindi tayo safe.
“Ang ginagawa namin kapag gabi na, hindi na kami pumupunta sa baba ng bahay namin.”
Pero hindi lang sa ilalim ng bahay nakikita ang mga buwaya, kundi pati na rin sa tabi ng kalsada at maging sa mismong bahay-bahay nila.
Ganito rin ang nararamdaman ng kanyang asawang si Norman Martel, isang mangingisda.
“Hindi na ako masyadong nakahanap buhay kasi natatakot na ako [para] sa pamilya ko.”
Naibahagi rin ni Norman na ang kanilang alagang manok ay nabiktima ng buwaya.
Ang residenteng si Abdukahil Kaman, nagkuwento na pumunta lamang siya sa kusina para maligo at bigla siyang sinagpang ng buwaya.
Mahigpit siyang kumapit sa nahawakang kahoy para hindi siya tangayin ng buwaya.
Inakala raw ni Abdukahil na iyon na ang kanyang katapusan niya.
Nakaligtas si Abdukahil pero isang malaking peklat sa kaliwang binti ang iniwan ng pangyayari. Hindi na rin siya makalakad nang diretso.
Kuha sa camera ng KMJS ang mga buwaya nasa ilalim ng mga bahay at sa mahahalamang bahagi ng lugar.

CO-EXIST WITH THE CROCODILES?
Co-existence naman ang nakikitang solusyon sa ngayon ng nakausap na si Alcadra Sabala ng Ministry of Environment and Natural Resources and Energy (MENRE) ng Tawi-Tawi.
“Kasi ang kailangan din naman natin dito, hindi man natin mabulabog si buwaya.
“’Tapos hindi din tayo mabulabog dito. Kumbaga, may co-existence, walang away.”
Pinuntahan pa ng KMJS team at ng MENRE staffer ang mahalamang bahagi ng lugar at doon nakita ang natutulog na buwaya.
Pero ang mangingisdang si Norman umaasa na mayroon pang mas mabisang paraan ang mga awtoridad sa sitwasyon dahil nangangamba sila sa kanilang kaligtasan.
Sabi naman ng barangay captain ng Pagasinan na si Nur-Fitre Talipan, maglalagay sila ng mga signage para ma-educate ang mga residente.
Sa ngayon daw ay walang pondo ang kanilang lugar.
Paalala naman ng MENRE, iwasan ang pagtatali ng mga hayop malapit sa mga bakawan o mangrove areas.
Ani Sabala, “Yung mga bata na rin, especially pag gabi, hindi na dapat lalabas."
Paliwanag naman ni Ranier Manalo, program director ng Crocodylus, Porosus Philippines Inc., normal sa mga buwaya na lumangoy sa mga parte ng tubig na kanilang pinaninirahan.
Sabi niya pa, “Nagkakaroon lang tayo ng interaksyon doon sa mga buwaya na iyan dahil tayong mga tao ay napunta doon kung saan sila nakatira.
“Ang mga crocodiles sa wild ay hindi naman po basta-basta umaatake ng tao,” sabi pa ni Manalo.
Patuloy ang pagsusuri ng mga awtoridad sa lugar kung paano nila masosolusyunan ang isyung ito.