Hindi naiwasang maging emosyonal ni Mona Dubos nang magsalita ukol sa kapatid na si Melanie Dubos, ang babaeng palaboy na nag-viral kamakailan.
April 28, 2022, nag-tweet ang ABS-CBN reporter na si Larize Lee tungkol sa “free hug” na natanggap niya mula sa isang babaeng palaboy.

Related articles: Hindi siya si Tita Nena? Palaboy na yumakap sa ABS-CBN reporter, natunton na ng kapatid
Palaboy na yumakap sa ABS-CBN reporter, siya ba ang hinahanap na Tita Nena?
Dahil dito, natunton ang babaeng palaboy ng kanyang kapatid.
May 2, 2022, nagkita sa wakas sina Mona at Melanie.
Pero kailangang dalhin sa National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City si Melanie dahil natukoy na mayroon siyang psychosis.
Inirekomendang manatili muna siya roon at sumailalim sa treatment at therapy para gumaling.
Bagamat nagkaroon na ng reunion ang magkapatid, maraming curious kung paano nagkawalay at nawalan ng komunikasyon sina Mona at Melanie.
Sa May 4 episode ng Sakto sa TeleRadyo, nagsalita si Mona at sinabing posibleng may pagkukulang siya sa kapatid.
PAANO nagkahiwalay sina mona at melanie?
Kuwento ni Mona, siya at ang kanyang ate ay sabay na lumuwas sa Maynila mula General Santos City at magkasamang nagtrabaho bilang saleslady.
Magkasama pa raw sila nang malaman ni Mona na gumagamit na ng ipinagbabawal na gamot ang kanyang ate na naging dahilan pa ng kanilang pagtatalo.
Nakapag-asawa si Mona at tumira sa Laguna, at naiwan sa Tondo ang kapatid na si Melanie sa trabaho.
Paminsan-minsan ay dumadalaw raw si Melanie kay Mona, at minsan ay doon pa namamalagi.
Ani Mona, “Doon ko nakikita na tumatawa siya mag-isa, na iba na yung ano ko sa kanya."
Mula sa Laguna, lumipat sina Mona sa Muntinlupa dahil doon na-assign ang kanyang dating asawa bilang security guard.
Patuloy ni Mona, “Hinanap niya siguro kami noon sa Laguna, wala na kami.
“Kaya nawalay na po. Nagkaroon na po ako ng anak. Hindi ko na rin siya nabibisita sa Tondo.
“Ang alam ko po nag-asawa na po siya, e, may ka-live in.”
Sabi pa ni Mona, hindi na rin niya natitiyempuhan ang kapatid pag binibisita niya ito sa Tondo.
“Nung time na pinupuntahan ko po sa Tondo, hindi ko na po siya napupuntahan.”
Nakakakuha ng impormasyon si Mona mula sa mga dating katrabaho nila ng kanyang ate.
“Pag sinabi nila na, ‘Andito si Ate,’ ganyan. Pagpunta ko po doon, wala na po. Di ko na po siya makita.”

REUNION with SISTER MELANIE
Nakipag-ugnayan ang ABS-CBN reporter na si Larize kay Mona ukol sa kinaroroonan ni Melanie, kaya sila nagkita muli.
Aminado si Mona na hindi niya agad nakilala ang kapatid, “Nung time na po iyon hindi ko talaga akalain na siya yung ate ko. Nag-iba na talaga siya.”
Mabuti na lang, alam pa ng palaboy ang pangalan ng kanyang mga kapatid at magulang.
“Doon ko napatunayan na ate ko po siya, na kapatid ko na ito. Lahat nabanggit niya ng pangalan.”
WHAT’S NEXT FOR MONA AND MELANIE
Nagbigay ng update si Mona sa susunod na mangyayari.
Tutulong ang Department of Social and Welfare and Development sa therapy ni Melanie at pamasahe pabalik sa General Santos City kapag gumaling ito.
Update ni Mona, “Nitong May 12, parating po yung mother ko dito.”
Kapag nagtuluy-tuloy ang paggaling ni Melanie ay iuuwi na siya sa probinsiya.
Nanawagan din si Mona sa mga nais magbigay-tulong sa kanyang kapatid.
Sa huli, may mensahe si Mona sa mga taong katulad niya na napawalay sa mahal sa buhay.
Naging emosyonal si Mona, “Dasal lang po talaga. Tingin ko napabayaan ko rin ang ate ko. Siguro may pagkukulang din ako bilang kapatid.
“Panalangin lang po na mahanap kung sino man ang nasa ganoong sitwasyon.”
