Ang nag-viral na babaeng palaboy na yumakap sa ABS-CBN reporter ay natagpuan na ng kanyang kapatid.
Pero may twist: hindi siya si Tita Nena.
Nag-viral ang babaeng palaboy noong April 28, 2022 dahil bigla niyang niyakap ang ABS-CBN reporter na si Larize “Izzy” Lee sa kasagsagan ng live reporting ng huli.
Read: Palaboy na yumakap sa ABS-CBN reporter, siya ba ang hinahanap na Tita Nena?
Kasunod nito, may mga netizens na nag-post at sinabing posibleng ang babaeng palaboy ay ang kanilang “Tita Nena” na matagal na nilang hinahanap.
Nakapanayam pa ni Amy Perez ang nagpakilalang kapatid umano ng babaeng palaboy, sa pamamagitan ng programang Sakto ng Teleradyo, May 2, 2022.
Nangako si Amy na makikipagtulungan ang kanilang programa sa mga awtoridad para matunton ang babaeng palaboy at alamin kung siya nga si “Tita Nena.”
BABAENG PALABOY IDENTIFIED
Noong araw ring iyon, kumilos sina Larize at ang ABS-CBN.
Kinabukasan, May 3, nagbigay si Larize ng update sa Sakto.
Kinilala ang babae bilang si Melanie Dubos, at dinala siya sa National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City.
Ayon sa mga doktor na sumuri sa kalagayan ni Melanie, meron siyang psychosis, na nangangahulugang wala siya sa tamang pag-iisip dulot ng hallucination at delusion.
Gayunpaman, nauunawaan pa rin umano ni Melanie ang mga sinasabi sa kanya.
Ia-admit sa NCMH si Melanie para maobserbahan, mabigyan ng tamang gamot, at maisailalim sa therapy sessions.
Pero paano nga ba natunton si Melanie?
Ulat ng reporter na si Larize, May 2 nang matagpuan nila si Melanie sa Las Piñas sa tulong ng mga netizens na nakapanood ng balita.
Ni-record sa video ang pag-i-interview kay Melanie at ipinagbigay-alam ito kay Larize via social media.
Nabanggit pa ni Melanie ang pangalan ng kanyang mga kapatid.
Natunton ng ABS-CBN ang kapatid ni Melanie na si Mona Dubos sa Muntinlupa.
Natunton din ng ABS-CBN ang dating amo ni Melanie.
Ayon sa amo na hindi na pinangalanan, hinahanap nito si Melanie noon pang 2018-2019.
Mula sa Mindanao, nagtungo sa Maynila si Melanie para magtrabaho at matustusan ang kanyang anak sa probinsya.
"'Tapos nung nagbabarkada na, natuto na siyang mag-shabu. Yun na, pagala-gala na, di ko na alam kung saan siya [hanapin]," kuwento ng dating amo.
Sa tulong ng netizens, natunton ng ABS-CBN team kasama si Mona si Melanie. Nagkaharap ang magkapatid.

Pahayag ni Mona, “Masaya na malungkot din na ganito ang sitwasyon ng ate ko.
“Gusto ko siyang iuwi, pero siyempre, kakakita lang namin. Hindi ko alam ang sitwasyon na mangyari. Gusto ko muna maayos...”
Gusto raw ni Mona na maiuwi ang kapatid sa probinsya at sa kanyang anak na natuto raw maglasing dahil nag-aalala kung nasaan na ang kanyang ina.
Ulat pa ni Larize, sinikap daw bihisan at paliguan si Melanie pero nagsisisigaw ito. Hindi raw ito mahawakan kahit ng kanyang kapatid na si Mona.
Kaya’t nagdesisyon si Mona na dalhin ang kanyang ate na NCMH dahil may mga pagkakataong agresibo ito.
Ito rin ang ipinayo ng kasama nilang taga-Department of Social Welfare and Development (DSWD): “Pag maayos na siya, ililipat sa isang institusyon na mapaglalagyan temporarily, habang naggagamot, bago ibalik sa kanyang kapatid.”
Sa live report ng Sakto kahapon, inusisa ni Amy si Larize kung nakatitiyak silang kapatid nga ni Melanie si Mona.
Paniniyak ni Larize, “Nang magkita sina Mona at Melanie, natandaan ni Melanie ang lahat ng kamag-anak niya.
“Lahat po ng tinatanong ni Mona sa kanya ay naaalala pa, kahit yung pangalan ng nanay at asawa ni Mona ay natatandaan pa rin.”
Pagpapatuloy pa ng reporter, nakita niya na maluha-luha pa ang magkapatid nang magkita sila.
Nangangahulugan itong ang babeng palaboy ay hindi si “Tita Nena."
Update pa ni Larize, sasagutin ng DSWD ang pagpapagamot ni Melanie at pati na rin ang pamasahe nito pauwi sa General Santos City oras na maging maayos na.
Nabanggit din ni Amy na maraming netizens ang nakipag-ugnayan sa kanilang programa at nais mag-abot ng tulong kay Melanie.
Sa kabilang banda, tinanong si Larize kung ano ang nararamdaman niya na naging tulay siya para makita ni Melanie ang kanyang kapatid.
“Tuwang-tuwa po ako na nangyari ito dahil hindi ko po inakala dahil sa simpleng viral photo po, ay mauuwi sa pagtatagpo ng kapatid at ni Melanie.
“Malaki po ang pasasalamat ko sa mga concerned citizens at netizens na nag-message sa akin para magpaabot po ng update kung saan huling nakita si Melanie.”
