Sa mga animal parks and zoos, may mga signs tayong nababasa na, “Do not feed the animals.”
Gayunpaman, may ibang visitors na pasaway.
Natutuwa kasi ang mga hayop kapag may pagkain mula sa turista, na ikinatutuwa naman ng turista. Pero nakabubuti ba ito sa mga hayop?
Isang magandang halimbawa rito ay ang sinasapit ng mga exotic iguanas sa Bahamas.
Mas mauunawaan natin kung bakit may mga pagkakataong hindi dapat pinapakain ang mga hayop ng kung anu-ano.
Ang northern rock iguanas (Iguana cychlura) na matatagpuan sa Exuma Islands sa Bahamas ay natuklasang nagkakaroon ng mataas na sugar level na posibleng mauwi sa diabetes.
Ang mga turista kasi na dumadayo, pinapakain ang mga ito ng mga ubas.
Kahit naman kasi sa tao, ika nga, lahat nang sobra ay masama.
Bukod sa mataas na sugar level, naaapektuhan din ang metabolism o panunaw ng mga rock iguanas.
Kalimitan kasing pinapakain ng mga turista ang mga hayop na hindi naman akma sa kanilang diet.
Naging tourist attraction para sa mga turista ang pagpapakain ng ubas sa rock iguanas sa Exuma Islands.
Ang ubas ay hindi naman native na pagkain ng iguanas doon.
Ang mga ubas ay tinutuhog at ipinapakain sa mga iguanas.
Nasanay naman ang mga iguanas, na sumasalubong sa mga turista kapag may dumarating na boat.

Sa mabilis paglago ng turismo sa isla, hindi nakaka-adapt ang iguanas sa “unnatural diets,” ani Susannah French ng Utah State University para sa Journal of Experimental Biology.
Nasosobrahan ng ubas—na may high-sugar content—ang mga reptiles dahilan para magkaroon sila ng high blood sugar.
Ang rock iguanas sa Bahamas ay mga vegetarian. Ang mga batang iguana ay kumakain ng mga halaman at insekto, habang ang adults ay nabubuhay sa mga dahon at kung anong prutas ang makita nila sa kanilang habitat.
Sa pananaliksik ng mga scientists, nadiskubre nilang naaapektuhan ang glucose metabolism ng mga iguana.
Ayon sa article ng Haaretz.com: “The grapes alter the lizards’ glucose metabolism and that could give them diabetes, just like it does in humans. Long-term glucose dysregulation can kill.”
Nababahala rin ang mga conservationists sa lugar dahil hindi na rin natatakot sa mga tao ang mga iguanas, na maaaring dakpin ng mga tao.
Ang nakakalungkot pa, ang northern Bahamian rock iguana ay kabilang sa mga endangered species.
Bukod pa sa mga panganib mula sa ibang hayop, gaya ng mga baboy at aso, may mga residente sa Bahamas na nanghuhuli ng iguana at ginagawa itong pagkain nila.