Nagsimula si Ariel Morales na magkolekta ng Philippine Basketball Association (PBA) jerseys noong 2010. Sa kasalukuyan, mayroon na siyang mahigit 600 PBA jerseys.
Pagbabahagi ni Ariel sa panayam sa kanya ng Summit OG, “Karamihan ng mga collection ko, mga replica jerseys from 1970s, 1980s and 1990s.
“Dati, nakalagay lang sa mga cabinet yung mga jerseys ko, pero bumibigay na kasi yung mga cabinet. Kaya I decided to put them in boxes.”
Tatlong malalaking kahon ang pinag-iimbakan niya ng kanyang jersey collection.
Giit niya, “Basta ang importante lang, hindi nasisinagan ng araw at well-ventilated yung room, hindi yun masisira.”

Kasama sa collection niya ang jersey ng pinakamahusay na PBA player ngayon na si June Mar Fajardo.
Pinaka-memorable naman niyang collection ang jersey ni Gary David.
"Yung 2013 nanalo tayo against Korea. So, I was able to get his jersey," kuwento niya.
Naging pamilyar na rin daw siya sa mga basketball players dahil lagi siyang nagpapa-sign sa mga ito.
Bukod sa mga jersey, may mga nagbigay din sa kanya ng shorts at jackets.
REPLICAS PERO PIRMADO NG PLAYER
Ani Ariel ay mayroon silang small group na puro mga collectors ng retro PBA jerseys. At dahil mahirap nang humanap ng original nito, nagpapagawa na lang sila ng replica sa mananahi.
“And luckily, since ako yung nagde-design, binibigyan ako ng freebies ng mananahi. Dahil ako yung nagre-research ng mga details.”
Masayang sambit niya, “Imagine, sa dami ng mga jerseys designs ng PBA, nagkakaroon ako. Dumami talaga!”
Ang pinakauna niyang jersey na ipinatahi ay replica ng unipormeng isinuot ni Samboy “The Skywalker” Lim nang maka-grand slam ang San Miguel Beer noong 1989.
“Luckily, napa-sign ko rin ito kay Samboy. Natuwa rin naman siya nang makita niya na meron akong replica jersey niya.
“Sa tingin ko, mayroon akong around 30 jerseys niya na signed,” pagmamalaki niya.
PINAKAPATOK ANG GINEBRA JERSEYS
Kabilang din sa koleksyon ni Ariel ang replica ng mga jerseys ni PBA Living Legend Robert Jaworski.
Sadya umano niyang inaabangan si Jaworski kapag may laro ito o kahit noong retirado na siya.

“I make it a point na mayroon akong dalang jerseys niya para mapa-sign ko sa kanya.”
Sa mga teams sa PBA, Ginebra jerseys ang pinakamarami na nasa pag-iingat niya.
Paliwanag niya, “Kasi karamihan ng collectors sa community, Ginebra fans. Karamihan ng naipapagawa namin, Ginebra.
“Napa-recreate na namin yung lahat ng jerseys starting from 1984. Noong 1984, Gilbey’s Team pa yung pangalan ng Ginebra.
“So, from 1984 hanggang sa present, nakumpleto ko na yun.”
KINA-CAREER ANG AUTOGRAPHS NG PLAYERS
Nagkokolekta rin si Ariel ng autographs ng mga basketball players.
Paglinaw niya, "Primary collection ko talaga ang autographs. Kung susuwertihin, photo ops.
"Na-collect ko yung autographs ng NBA 50 greatest players. And also sa PBA. Yun yung journey ko na medyo matagal din.”
Noong 2010 ay gumawa si Ariel ng parang custom poster na may pictures ng PBA 25 Greatest.
Pagmamalaki niya, “I was able to meet all of them at napa-sign ko sa kanila.”
Napapirma rin niya ang mga PBA legends na sina Danny Florencio at Lim Eng Beng bago pumanaw ang mga ito.
Wala rin siyang pinalalampas na pagkakataon kung kaya niyang ma-meet ang mga PBA players.
Lahad niya, “One time, na-assign ako sa US. Alam kong nasa US sina Bernie Fabiosa at Abet Guidaben.
“I contacted them through other players. Pinuntahan ko sila sa bahay, and pina-sign ko yung mga jerseys and yung PBA 25 Greatest poster.”
Sa kanilang pagkikita, marami rin aniyang naibahaging stories ang dalawang players sa kanya noong aktibo pa ang mga ito sa liga.
Nagpapasalamat naman siya na lahat nang players na nilapitan niya ay very friendly sa kanya.
Pagpapasalamat niya, “Sa mga na-meet ko, wala namang snob. Talagang ang ganda ng experience ko noong na-meet ko sila, and talagang very accommodating lahat.”
HOBBY LANG TALAGA AT HINDI INVESTMENT
Hindi naman niya itinuturing na investment ang kanyang mga koleksyon.
Mahirap aniyang maunawaan ng iba ang ginagawa niya lalo na kung hindi naman kolektor ang mga ito.

“Hobby ko lang ito, parang stress reliever sa work. Something to do pag stress ka na.
“I never consider it as an investment. It's more of a hobby lang talaga. It's my way lang to appreciate the basketball players.”
Ayon kay Ariel, ibang klaseng kaligayahan ang nararamdaman niya sa kanyang naging journey sa pagku-collect, pagre-research ng mga lumang designs ng PBA jerseys, pakikiusap sa ang mga players at ang pagkuha ng autograph ng mga ito.
Aniya, “Nakakatuwa rin na yung iba [collectors], ako yung nakaimpluwensya. Sinasabi nila, tinitingala nila ako dahil mahirap na raw ma-reach yung level ko.
“Sabi ko naman sa kanila, just enjoy the hobby. Hindi naman tayo nakikipagkumpitensya. Ine-enjoy lang natin yung hobby.”
Panoorin ang Summit OG video na ito para makita ang jersey collection ni Ariel: