Isang bisikleta na nangungulekta ng basura sa kalye ang inimbento ng apat na mechanical engineering students para sa kanilang thesis.
Ang "pedal operated road sweeper" ay gawa nina Wis Altez, Dennis Sagurit, Jasper Gumayagay at CJ Amurao—mga graduating students mula sa Technological Institute of the Philippines (TIP) sa Quezon City.
Proud na nag-post si Wis noong January 21, 2022 ng link ng news item mula sa GMA News Online na nag-feature ng kanilang invention.
Sa balita ay ipinakita ang bisikleta na may tatlong gulong at mga mekanismo sa bandang likod na siyang kumukulekta sa nadadaanang basura.

Ipinakita rin ni Wis ang mga naunang disenyo at working prototype ng kanilang thesis.


Padadaliin ng kanilang invention ang trabaho ng mga street sweeper. Habang pine-pedal kasi ang bisikleta, kusang nahahakot ang mga nakakalat na basura sa kalye kaya hindi na kailangang walisin.
Environment friendly rin ang bisikleta dahil gawa ito sa recycled materials.
INSPIRATION BEHIND THE INVENTION
Naisip nina Wis ang proyekto nang magkaroon ng pandemya dahil maraming Pinoy ang nagkaroon ng hilig sa bisikleta.
Nakita rin nila na sobrang nahihirapan ang mga street sweeper sa pagwawalis sa mga kalye.
Tuwang-tuwa naman si Wiz na naging patok sa netizens ang kanilang invention.
Aniya sa kanyang Facebook post (published as is): “Hanggang ngayon di paren ako makapaniwala na asa TV yung thesis namen. Sobrang saya ko na nung umabot sa 18k shares yung post ko pero yung maifeature pa sa GMA eh sobra sobrang pasalamat na kami…”
Pinasalamatan rin niya ang mga kasama sa thesis at mga taong nagbigay ng inspirasyon at suporta sa kanila.
“Salamat sa groupmates ko na sama-sama magpuyat at gumawa ng design kahit pa mga working students at tambak ng school works, Sa adviser namen na si Engr. Bote, salamat sa guidance all throughout sa aming thesis. Sa pamilya ko at sa Gf ko, salamat sa suporta noong una pa lang at iniintindi ang di ko pagtulog hahaha. At salamat Lord sa opportunity na to, tiyak na hindi ko to malilimutan, I am forever humbled…
“Wala po kaming ibang gusto kundi makapagtapos at maging ganap na Mechanical Engineers… Maraming salamat po sa inyo.”
Marami na rin siyang natatanggap na imbitasyon mula sa iba pang media outlets para mai-feature ang pedal-operated road sweeper.