Tuwing sasapit ang All Saints’ Day, nakagawian na ng mural artist na si Jae Valencia, 30, na pintahan ang nitso ng kanyang ama na nasa Aglipay Cemetery sa Pateros.
Hindi ordinaryong pagpipintura ang ginagawa ni Jae. Ginagawa niya itong makulay na mural na ang imahe ay nagpapaalala sa kanya ng tungkol sa kanyang ama—partikular ang mga hobby nito noon.
Mahilig aniya itong manigarilyo, uminom, magtanim ng halaman, mag-basketball, at isang music junkie—na bukod sa pagkanta ay nakatutugtog din ng musical instruments.

Pumanaw ang ama ni Jae noong 2008.
Sa kanyang Facebook page na Muros by Jae, nabanggit ni Jae ang dahilan kung bakit niya ito ginagawa.
Pagbabahagi niya, “This has been my yearly pledge for my late father for around 10 years now.
"Since I’ve become an artist because of him. I usually paint designs that are connected to him—plants, his hobbies, [et cetera].”

WALANG FORMAL TRAINING SA ART
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jae noong October 28, 2021 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.
Aniya, wala siyang formal training pagdating sa art.
"Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management graduate po ako sa PUP Sta. Mesa.
“Practice lang talaga. Bata pa po ako, mahilig na ako sa arts. Favorite show ko noon sa Disney Channel is Art Attack.”
Bago siya nag-full time sa pagiging mural artist ay marami muna siyang napasukang trabaho.
“Working student po ako ng 2008 sa TGI Fridays.
"Naging dealer din sa Pioneer Casino at sa Solaire, pati po sa Saipan.”
Naka-break in naman siya sa mural painting noong 2014.

Ani Jae, “Nag-post lang po ako ng gawa ko sa kuwarto ko. ‘Tapos, nag-ask yung ka-work ko na i-paint yung room ng anak niya. Doon na po nagsimula. Employed pa ako noon sa casino.”
Nang dumami na ang kanyang mga kliyente ay iniwan na niya ang kanyang day job at nag-concentrate na sa pagpipinta.
“Tumanggap ako ng kahit anong artistic services, pero mostly po talaga ay murals ang inilalapit sa akin.”
HINDI MASYADONG CLOSE SA KANYANG AMA
Sa kabila ng tagumpay ni Jae ngayon, may lungkot siyang hindi nakita ng ama ang niya ang kanyang mga obra.
Aminado siyang hindi sila ganoon ka-close ng kanyang ama.
Saad ni Jae, “Hindi po, e. Kaya ito po yung way ko para bumawi sa kanya kahit too late na po...
“Alam po niya na mahilig ako sa arts, pero di na niya na-witness yung improvement ko ngayon.”

Sa kanyang post ay nagpayo si Jae sa iba na hangga't may pagkakataon ay ipadama sa kanilang mga magulang ang pagmamahal.
“I know it’s late and I will never see his reaction with my artworks. So if you still have the chance to show your parents how much you love them, do it.”
Umaasa naman siya na kahit wala na ang kanyang ama, maipagmamalaki pa rin siya nito saan man ito naroroon.
“I never got the chance to show him where I am now and how far I’ve become as an artist, but I hope wherever he is right now, he is proud of me.”