Nakakaiyak ang nag-viral na video sa social media tungkol sa isang mother elephant na pinipilit matanggal ang anak nitong nasa ilalim ng truck.
Sa ulat ng news website na Malay Mail noong May 12, 2025, ang baby elephant ay nasagaan ng truck bandang 2:50 AM noong May 11 sa East-West Highway ng Malaysia.
Sa video ay makikita ang mother elephant na desperadang itinutulak ang truck dahil nasa ilalim nito ang nasagasaang baby elephant.

Maririnig ang pag-atungal ng mother elephant na tila humihingi ng tulong.
Iniikutan din nito ang truck at tila naghahanap ng paraan kung paano masasagip ang anak.
Ang truck ay puno ng mga kargang manok.
Read: Two-year-old boy lost in wilderness rescued by rancher's dog
HOW THE ACCIDENT HAPPENED
Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alamang habang minamaneho ng 28 anyos na driver ang truck, napansin nito ang mother elephant na nasa right shoulder ng daan.
May kinakain umano ang malaking elepante, at itinuloy ng driver ang pagmamaneho nang matiyak nitong safe naman ang sitwasyon.
Gayunpaman, biglang lumabas ang isang baby elephant mula sa kagubatang nasa kaliwang bahagi ng daan, at tumawid.
Hindi nakaiwas ang driver at nabangga ang batang elepante.
Napailalim ang baby elephant sa truck, at namatay.

Nang makita ng mother elephant ang nangyari, nagwala ito at dinamba ang unahang bahagi ng truck sa galit.
Hindi naman nasaktan ang driver.
Read: Meet King Kong: World's tallest living water buffalo
MOTHER ELEPHANT NEVER LEAVES THE ACCIDENT SITE
Nang walang magawa ang mother elephant para iligtas ang baby elephant, hindi ito umalis sa lugar ng aksidente kahit pa itaboy ng mga bystanders.
Ilang oras itong umaatungal dahil sa nangyari sa anak.
May dumating na mga wildlife department officials at nagdesisyon ang mga ito na saksakan ng tranquilizer ang mother elephant para makatulog.
Isinakay ito sa malaking sasakyan at dinala sa kagubatan para makabalik sa herd nito.
Tinanggal din ng mga awtoridad ang mga labi ng baby elephant.
Sa pagtataya ng wildlife department officials, nasa 25 to 27 years old ang mother elephant at may timbang na 2.2 tonelada.
Lalaki ang nasawing baby elephant, at tinatayang five years old pa lang.
Read: Zoo paints Chow Chow to look like tiger
NETIZENS EXPRESS GRIEF
Nagpahayag ng pagkalungkot ang netizens ng Malaysia at maging ng buong mundo dahil sa aksidente.
Karamihan sa mga ito ay nagsabing nakabibiyak ng puso na naganap ang trahedya sa panahong ipinagdiriwang ang Mother’s Day—kahit pa mga hayop ang naging biktima.
Ayon sa isang nagkomento, “On Mother’s Day, an elephant showed us what is a mother’s love.”
Sambit naman ng isa, “I have been so affected by the news about this elephant today.
“I have been crying non-stop every time I see it.”
Isang X user ang nag-post ng cartoon image na nagpapakita ng pamamaalam ng baby elephant sa ina.
May layover texts ang cartoon image na: “See you again someday, Mom.”
Read: Mother dog brings unconscious sick pup to vet clinic
SITE OF ACCIDENT HOTSPOT FOR COLLISION AND ENCOUNTERS WITH WILDLIFE
Napag-alamang ang East-West Highway na tumatagos sa 30,000-hectare na Belum-Temenggor forest reserve sa Perak, ay nagiging hotspot para sa collisions and close encounters sa wildlife.
Dumarami na kasi rito ang mga pamahayan at plantasyon na nakagagambala sa animal habitats.
Ang naturang rainforest na humahangga sa southern part ng Thailand ay mahigit 130 million years old na.
Pinaninirahan ito ng endangered species, gaya ng Malayan tiger at Malayan sun bear.
Matagal nang may panawagan ang mga conservationists na maglagay ng mas maraming wildlife crossings sa highway—partikular ang mga rutang dinadaanan ng mga elephants.
May kabuuang 2,361 wild animals sa Malaysia ang naiulat na namatay dahil sa bangga ng mga sasakyan simula noong 2020.
Kabilang dito ang walong elephants.
Ikasiyam nang biktima ang baby elephant na tinangkang iligtas ng inang elepante.
Mula naman 2023 hanggang 2024, anim na Malayan tigers ang namatay sa bangga rin ng mga sasakyan.
Nakakabahala ito lalo pa at batay sa ulat ng wildlife department, 150 na lang ng naturang tiger specie ang natitirang nasa wild.
Read: Crumbs, overweight cat, put on strict diet and exercise regimen
IVORY POACHING STILL RAMPANT
Ang pagkamatay ng baby elephant dahil sa aksidente ay dagdag sa lumalaking pangamba sa pangangalaga sa wildlife ng Malaysia.
Last April 2025, nadiskubre ng mga awtoridad ang bangkay ng dalawang endangered pygmy elephants sa kagubatan ng Sabah.
Isa umano itong ebidensya na nagpapatuloy pa rin ang ilegal na ivory poaching.
Ang tusks ng elephants ay mabenta sa black market.
Ang Malaysia ay isa sa world’s most biodiverse and animal-rich countries.
Mayroon itong mahigit 360 species ng mammals kabilang ang elephants at tapirs.
Samantala, iniulat ng news website na FMT last May 13 na sa isinagawang imbestigasyon, sinabi ng mga pulis na hindi nagpabaya ang driver—nagkataon lang na foggy noon ang area at walang mga ilaw ang daan.
Hindi naman binanggit sa ulat kung sasampahan ng kaso ang driver.
