Labis na nagdadalamhati ngayon ang American pop superstar na si Mariah Carey, 55, dahil sa pagkamatay ng kanyang ina na si Patricia, 87, at nakatatandang kapatid na si Alison, 63.
Pumanaw ang ina at kapatid ni Mariah sa parehong araw.
Si Mariah ang mismong nagkumpirma ng malungkot na balita nang makapanayam siya ng People Magazine nitong Lunes, August 26, 2024.
Sinabi ng award-winning singer na sa hindi inaasahang pagkakataon ay namayapa ang kanyang ina at kapatid sa loob lamang ng isang araw.
Hindi idinetalye ni Mariah kung ano ang dahilan ng pagkamatay ng dalawa niyang mahal sa buhay.
Saad niya, "My heart is broken that I’ve lost my mother this past weekend.
"Sadly, in a tragic turn of events, my sister lost her life on the same day."
Bagamat nagluluksa, ipinagpapasalamat daw ni Mariah na nakasama pa niya sa huling sandali ang kanyang ina bago ito tuluyang magpaalam.
Aniya, "I feel blessed that I was able to spend the last week with my mom before she passed."
Mariah's relationship with her mother
Bukas si Mariah sa publiko na hindi naging maganda ang relasyon niya sa kanyang pamilya, lalo na sa ina niyang si Patricia at mga kapatid na sina Alison at Morgan.
Ito'y matapos makipaghiwalay ni Patricia sa ama nina Mariah na si Alfred Roy Carey.
Taong 2002 nang pumanaw si Alfred sa edad na 72 dahil sa sakit na cancer.
Read: Mariah Carey tweets about death of Pinoy YouTuber Lloyd Cafe Cadena
Simula nito, naging kumplikado na raw ang relasyon ni Mariah sa kanyang ina at mga kapatid.
Ibinahagi ito ng singer sa kanyang memoir noong 2020.
Pagbabahagi ni Mariah, "Like aspects of my life, my journey with my mother has been full of contradictions and competing realities. It's never been only black-and-white — it's been a whole rainbow of emotions.
″Our relationship is a prickly rope of pride, pain, shame, gratitude, jealousy, admiration, and disappointment. A complicated love tethers my heart to my mother's.″

Sa kabila ng kanilang pinagdaanan, hindi raw maikakaila ang pagmamahal ni Mariah sa kanyang pamilya, lalo na sa inang si Patricia.
Malaki raw ang utang na loob niya sa ina dahil ito ang nagtulak sa kanya para maging singer.
Isa ring singer ang kanyang ina.
Pagmamalaki ng "Obsessed" singer, “I would sing little tunes around the house, to my mother’s delight. And she always encouraged me."
