TRIGGER WARNING: Murder, drugs
Malagim ang naging katapusan ng buhay ng Miss Ecuador 2022 candidate na si Landy Parraga, 23, noong April 28, 2024.
Ayon sa ulat ng CNN en Español, pumanaw si Parraga nang pagbabarilin siya ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng isang restaurant sa Quevedo, Los Ríos province.
Kasama ni Parraga ang boyfriend niyang hindi rin nakaligtas sa karumal-dumal na krimen.
Nakunan pa ng CCTV ng restaurant ang pagdating ng dalawang gunmen at ang mismong paglapit ng mga ito sa kinaroroonan nina Parraga at nobyo na papaalis na matapos nilang kumain.
Mahihinuha sa video na si Parraga lamang ang target ng gunmen at nadamay lamang ang nobyong kasama nito.
Ilang beses kasing pinaputukan ng baril ang dalaga kahit na ito'y nakahandusay na hanggang sa bawian ito ng buhay.
LANDY'S Metastasis case
Bago ang insidente, nasasangkot si Parraga sa Metastasis drug trafficking and corruption case sa Ecuador.
Ito'y matapos mabuking ng awtoridad na may sikretong ugnayan sila ng druglord na si Leandro Norero, alyas El Patrón, na pinatay rin noong October 2022 habang ito ay nasa kulungan.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Prosecutor's Office ng Ecuador na nabanggit ni Norero ang pangalan ni Parraga sa lawyer nitong si Helive Angul noong siya ay nabubuhay pa.
Mababasa sa report, "Parraga's name appeared in a prosecutor's investigation for money laundering and stated that [Norero] did not want that the former candidate was related to him.
"Norero would have paid money, according to the Prosecutor's Office, so that he would not be linked to the former beauty queen in that case."
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na detalye kung ano ang puno't dulo ng pagpatay kay Parraga at kung nahuli na ang mga suspek na bumaril sa kanya.
Noong 2022 nang sumali sa Miss Ecuador si Landy bilang pambato ng Los Ríos Province.

Landy Parraga being crowned as Miss Los Ríos Province
