Dating professional American wrestler noon, isa nang bebot ngayon.
Nangyari ang kanyang transformation nitong pandemya.
Isa nang ganap na babae ang dating kilalang wrestler sa World Wrestling Entertainment (WWE), ang tanyag na American wrestling promotion.
Sa wrestling fans diyan, marahil ay kilala niyo pa ang villain sa wrestling ring na si Tyler Reks.
Today, Tyler is not a “he” but a “she.” Parte na kasi siya ng LGBTQIA community.
Si Tyler, na ang tunay na pangalan ay Gabbi Alon Tuft, ay isa nang transgender woman. Siya ang first-ever WWE wrestler na naging trans woman.
Tinalikuran na niya ang wrestling industry, at isa na siyang social-media influencer ngayon na may one million followers sa social media.
Sa Instagram, inilarawan niya ang sarili bilang, “Former WWE Superstar, Celebrity Fitness & Nutrition Coach.”
Dating taga-Bay Area sa Northern California, U.S.A., lumipat si Gabbi kasama ang misis at anak sa Texas noong January 2020, ayon sa ulat ng San Francisco Chronicle noong December 24, 2023.
Biglang tumama ang pandemya, na siyang nagpabago sa buhay ni Gabbi.
Sa panahong ito niya nadiskubre ang kanyang tunay na pagkatao.
Read:
- Most Beautiful Transgender of Thailand talks about "normal life" as wife to wealthy businessman
- UPDATED: Meet trans woman beauty queen Barbie Alawi: "I am a licensed physician."

Si Gabbi Tuft kay kilala bilang Tyler Reks sa World Wresting Entertainment
a TUFT life
Lumaki si Gabbi sa Sonoma County.
Bata pa lamang ay mahilig na siyang maglaro ng manika at magsuot ng mga damit ng ina kapag walang nakakakita.
Pero sa murang edad, napagtanto niyang, “if you acted like a girl, you got crap.” Kaya kinimkim ni Gabbi ang kanyang pagiging pusong mamon.
Nakaranas siya ng pambu-bully pagtuntong ng high school kaya nagpalaki siya ng katawan pagsapit ng sophomore year.
Diyan na siya nagkaroon ng passion sa fitness.
Nakapagtapos siya ng civil engineering sa California Polytechnic State University San Luis Obispo, pero nasa fitness ang kanyang hilig.
Mula sa Bay Area, lumipat siya sa Southern California at doon siya nadiskubre ng isang WWE agent.
Matapos ang physical preparation, opisyal siyang ipinakilala bilang Tyler Reks sa WWE noong June 2009.

Trademark ni Gabbi ang malaking katawan na tadtad ng mga tattoo at dreadlocks.
Matapos ang apat na taon, nagretiro siya matapos manganak ang misis na si Priscilla.
Nagtrabaho siya bilang personal trainer at ginamit ang kanyang popularidad sa social media.
Sa mga panahong iyon, muling lumalabas ang mga kinimkim ni Gabbi. Nagsimula siyang magsuot ng mga damit ng asawa.
Kalaunan, umamin siya sa asawa, na sinuportahan naman siya sa pagtanggap ng kung sino talaga siya.
Kasagsagan ng pandemic, naramdaman ni Gabbi na isa siyang trans woman.
Nag-come out siya noong 2021.
Ngayon, sa edad na 45, aktibo siya sa pagiging fitness influencer na nagbabahagi ng kaalaman ukol sa weight loss at fitness.
Before and after photos of Gabbi Tuft
Dito niya rin ibinabahagi ang detalye ng kanyang transition bilang trans woman, tulad ng facial feminization surgery, procedures, therapy, at ibang pinagdadaanan sa kanyang transition.
Under process na rin ang divorce nila ng kanyang asawa matapos ang 21 years na pagsasama, pero on good terms sila.
Pagbabahagi ni Gabbi, bilang dating WWE wrestler at isa ring celebrity, nagagamit niya ang kanyang boses sa pagiging social-media influencer kahit ibig sabihin nito ay nahahalungkat pa ang kanyang pribadong buhay.
“People will say, ‘You’re getting divorced, Gabbi,’ and yeah, the fairy-tale ending doesn’t always happen. But I’m a successful businesswoman, and I have a child who is well loved, and I am a trans woman," aniya sa San Francisco Chronicle.
Karamihan sa mga kliyente ni Gabbi ay mga kababaihan na marami ring pinagdaanan sa buhay at walang kumpiyansa sa mga sarili dahil sa kanilang itsura.
Nauunawaan ni Gabby ang ganitong pakiramdam kaya nabibigyan niya ng tamang motivation ang kanyang clients para hindi maapektuhan sa sinasabi ng iba.
Siyempre, tinutulungan niya silang maging physically fit para magkaroon ng self-confidence.
Pero, aniya, ang unang hakbang para maging masaya sa buhay ay tanggapin ang sarili.
