Walang direktang pag-amin ang South Korean superstar na si Park Seo Joon ukol sa mga naglalabasang ulat na siya ay may karelasyon ngayon.
Nitong Martes, June 20, 2023, umugong ang balitang "in a relationship" na si Park Seo Joon, 34, sa South Korean YouTuber-singer na si Kim Soo Yeon o mas kilala sa screen name na Xooos, 29.
Sa ulat ng JTBC Entertainment News, makailang beses nang naispatan sina Park Seo Joon at Xooos na magkasama. Ipinakilala na rin daw nila ang isa't isa sa kanilang malalapit na kaibigan.
Sa panayam ni Park Seo Joon sa media sa South Korea ngayong Miyerkules, June 21, nagbigay siya ng reaksiyon patungkol dito.
Ayon sa aktor, maging siya ay nagulat sa lumabas na balita.
Hindi raw siya komportableng ibahagi ang ilang impormasyong may kaugnayan sa kanyang personal na buhay.
Pahayag niya (ayon sa English translation ng Korean entertainment portal na AllKpop), "I am currently busy filming a new project so I received word of the news a little late.
"I realized that I am receiving much attention from the public.
"While I'm grateful for the attention of the public, I do feel discomfort about revealing my private life.
"I'm afraid it is difficult for me to comment on this matter, which involves my private life."
PARK SEO JOON, XOOS' AGENCIES RESPOND TO DATING RUMORS
Nitong June 20, nagbigay ng pahayag ang talent agencies na kinabibilangan nina Park Seo Joon at Xooos.
Sa pamamagitan ng maikling pahayag, humingi ng paumanhin ang agency ni Park Seo Joon na Awesome ENT dahil hindi nila makumpira sa ngayon kung totoo nga ang mga haka-hakang may karelasyon na ang kanilang talent.
Mababasa sa kanilang pahayag (ayon sa Soompi. com), “It is difficult to confirm facts related to our artist’s personal life. We’re sorry. Please kindly understand."
Maging ang kampo ni Xooos na WAVY ay tikom din ang bibig sa "dating rumors" ng dalawa.
Anila, “It is difficult to confirm."
Nakilala si Park Seo Joon dahil sa mga pinagbidahan niyang K-drama series na She Was Pretty (2015), Hwarang (2016), Fight for My Way (2017), What's Wrong with Secretary Kim (2018), at Itaewon Class (2020).
Habang si Xooos ay namamayagpag ngayon sa YouTube dahil sa pagko-cover niya ng mga kanta.
Sa kasalukuyan ay mayroon siyang 1.57 million subscribers.
