Ikinatuwa ng mga tagahanga ng Thai superstars na sina Nadech "Barry" Kugimiya at Urassaya "Yaya" Sperbund ang kanilang engagement na isinapubliko nila ngayong Lunes, June 5, 2023.
Parehong ginamit nina Nadech at Yaya ang kanilang mga social media account para ipaalam sa mga tao ang desisyon nila.
“We decided on forever” umpisa ng joint statement ng 31-year-old actor at ng kanyang 30-year-old fiancée.
Ani Nadech, “I am the happiest man because I am the luckiest to have this woman in my life.You are my soul, my laugh, my tear, may air and thank you for saying “YES.”
Sagot ni Yaya, “Well, actually I said AHHHHEEEEHHH. Screamss and then YES!! Hehe [heart emoji ] to the moon and back baby.”
Maligayang-maligaya ang mga tagasuporta nina Nadech at Yaya dahil hahantong na sa pagpapakasal ang siyam na taon na relasyon ng Thai A-listers.
Bumisita sina Nadech at Yaya sa Pilipinas noong December 4, 2022 para sa kanilang fan meet sa New Frontier Theater.
Nakilala at hinangaan nang husto ng mga Pilipino ang real-life loveteam nina Nadech at Yaya dahil dalawang beses ipinalabas sa GMA-7—noong April 8 hanggang May 23, 2019 at January 20, 2020 hanggang March 31, 2020—ang kanilang popular Thai television series na The Crown Princess.
Lalong minahal sina Nadech at Yaya ng Pinoy fans dahil sa rendition nila ng "Ikaw," ang sikat na kanta ni Yeng Constantino na kanilang inawit sa ginanap na fan meet sa New Frontier Theater at sa pagsusuot ng dalawa ng terno at barong Tagalog.
