Engaged na si Millie Bobby Brown, 19, sa kanyang boyfriend na si Jake Bongiovi, 20.
Si Millie ang gumanap na "Eleven" sa hit Netflix series na Stranger Things, habang si Jake naman ay anak ng American singer na si Jon Bon Jovi.
Nitong Martes, April 11, 2023, ipinost ni Millie sa Instagram ang litrato nila ni Jake kung saan makikitang suot ng aktres ang isang diamond ring.
Mababasa sa caption ng British actress (published as is): "I've loved you three summers now, honey, I want 'em all [heart emoji]."
Ito'y hango sa verse ng kanta ni Taylor Swift na "Lover."
Bumuhos ang mga pagbati mula sa fans at co-celebrities nina Millie at Jake.
Kabilang sa mga ito sina Pixie Lott, Jessica Wright, at Carol Wright.


Masaya at proud ding ibinahagi ni Jake sa kanyang Instagram ang litrato nila ni Millie.
Sa unang litrato, makikitang nakayakap siya sa aktres habang sila'y nasa tabing-dagat kung saan umano nangyari ang kanyang proposal.
Sabi niya sa caption, "Forever [heart emoji]."
Ayon sa ulat ng french magazine na Elle, noong June 2021 nang unang makumpirma na may namamagitan sa dalawa matapos silang maispatang magka-holding hands sa New York City.
