Pumanaw na ang singer at rapper na si Aaron Carter. Siya ay 34.
Si Aaron ay nakababatang kapatid ng Backstreet Boys member na si Nick Carter.
Kinumpirma ng management team ni Aaron sa U.S. news sites na natagpuang wala nang buhay ang singer sa kanyang tahanan sa Lancaster, California. Wala pang ibinibigay na dahilan ng kanyang pagkamatay.
Isinilang sa Tampa, Florida noong December 7, 1987, maagang nagsimula ang singing career ni Aaron nang maging opening act siya sa tour ng Backstreet Boys noong 1997.
Ang kanyang debut album na Aaron Carter ay ini-release noon ding taong iyon nang nine years old pa lamang siya. Naka-gold record award ang album na ito kung saan kabilang ang debut single niyang "Crush On You."
Ang sumunod niyang album na Aaron's Party (Come and Get It), na ini-release noong September 2000, ay naging triple-platinum. Tampok sa album na ito ang mga awiting "I Want Candy," "Aaron's Party (Come Get It)," at "That's How I Beat Shaq."
Naging platinum naman ang third album niyang Oh Aaron (2001), at naglabas pa siya ng dalawang albums pagkatapos.
Bukod sa pagkanta ay naging artista rin sa telebisyon at pelikula si Aaron.
Kabilang sa mga nilabasan niyang TV shows ay ang Lizzie McGuire, Sabrina, the Teenage Witch, at 7th Heaven. Lumabas din siya sa mga pelikulang Fat Albert (2004), Supercross (2005), I Want Someone to Eat Cheese With (2006), at College Fright Night (2014).
During his career, naging paboritong topic ng gossip websites ang personal life ni Aaron.
Hindi itinago ni Aaron sa publiko ang kanyang drug addiction. Makailang beses siyang nagpa-rehab, at naaresto rin siya sa iba't ibang dahilan.
Noong 2017 ay nag-come out si Aaron bilang bisexual sa pamamagitan ng Twitter.
Noong November 2021 ay isinilang ang kanyang anak na lalaki, si Prince, na anak niya kay Melanie Prince.
