Bukas, January 27, ipagdiriwang ng TV host na si Willie Revillame ang kanyang ika-57 kaarawan.
Ngunit imbes na siya ang regaluhan, inilibre niya ang buong staff at ang co-hosts ng Wowowin ng bakasyon sa Macau.
Sa post ni Sugar Mercado sa kanyang Facebook account ngayong Biyernes ng hapon, January 26, ibinahagi ng dancer-TV host ang mga larawang kuha sa airport.
Palipad na sila papuntang Macau.
Sabi niya sa caption: "Happy birthday WBR. Off to Macau."
Napag-alaman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na 34 katao silang lahat na lumipad.
Apat na araw silang mananatili roon.
Sa episode naman ng Wowowin sa GMA-7 kanina, lahat ng 600 katao sa audience ay nakatanggap ng cell phone.
