Nagpasalamat ang comedian-TV host na si Vice Ganda sa mga fans na patuloy na sumusuporta sa kanya.
Ngayong Sabado, April 8, binigyan si Vice ng isang engrandeng production number sa It's Showtime bilang celebration ng kanyang 41st birthday.
Noong March 31 pa ang birthday ni Vice, ngunit hindi niya nakasama ang kanyang It's Showtime family dahil nasa U.S. siya noon para sa isang concert tour.
Sa isang maikling mensahe sa It's Showtime kanina, sinabi ni Vice na isa sa mga pangarap niya noon ay ang makapag-celebrate ng birthday sa GMA Supershow.
Ang GMA Supershow ay ang long-running Sunday musical-variety show noon ng yumaong Master Showman na si German 'Kuye Germs' Moreno sa Kapuso network.
Saad ni Vice, "Nakakatuwa dahil dati, pangarap ko lang talaga nung nanonood ako ng TV, nung fan pa ako ng showbiz, sabi ko pangarap ko lang makapag-celebrate sa GMA Supershow.
"Kasi, di ba, pag nag-birthday ka sa GMA Supershow, star ka?
"Sabi ko, gusto ko yung ganyan, yung meron akong malaking cake, mayroong surprise guest.
"Yung naka-gown ka habang kumakanta ka, tapos biglang may lalabas na [kaibigan], 'Huy, sabi mo wala ka!'"
ALMOST GAVE UP. Kasunod nito ay muling nagpasalamat si Vice sa lahat ng sumusuporta sa kanya, lalo't na't minsan na rin daw niyang naramdamang tila humuhupa na ang ningning ng kanyang bituin.
Pahayag ng Kapamilya star, "I must admit, there was a time na I thought people gave up on me.
"May pagkakataon na inaakala ko kinasawaan na ako ng mga tao, na ayaw na ako ng tao, hindi na nila ako panonoorin, may iba na silang gusto."
Patuloy ni Vice, "Nalungkot talaga ako noon.
"There was a time sobra akong nalungkot, sabi ko, 'Tapos na ata iyong karera nung kabayo. Nagtagumpay pala ang mga nagwi-wish na matapos na ang karera ng kabayo.'
"Pero hindi, mas marami pa lang nagdadasal para sa akin.
"At iyong mga panahon na ako mismo pinagdudahan ko iyong sarili ko na, 'Ay, wala na atang may gusto sa akin.'
"Iyon pala, napalingon lang kayo sa iba, pero ako pa rin ang binalikan ng mga mata ninyo, kaya maraming salamat po."
Sa bandang huli, ipinangako ni Vice na patuloy siyang magbibigay ng tawa at ngiti sa kanyang mga tagahanga, lalo't napupuno na raw ng negatibong balita ang bawat sulok ng bansa.
Aniya, "Lalo na ngayon sa Pilipinas, ang daming dahilan para maging malungkot, gusto ko isa ako sa mga maraming dahilan para pangitiin kayo araw-araw.
"Gusto kong maging sunshine ng buhay ninyo."
