Ikinagulat ni Jaclyn Jose ang balitang naghain si Jake Ejercito ng petition for joint custody sa anak nila ni Andi Eigenmann na si Ellie.
Ito ay sa kadahilanang saksi raw si Jaclyn kung paanong sinisikap nina Andi at Jake na palakihing buo ang pagkatao ng bata kahit pa hiwalay na ang dating magkasintahan.
Pahayag ng veteran actress, “Hindi namin ipinagdamot si Ellie kailanman. Alam ni Jake ‘yan.
“Pinipilit ni Andi to raise her daughter na maging mabuti, masaya, walang angst, at walang problema na bata.
"Pinipilit namin na pagsamahin ang mag-ama para mabuo ang pagkatao ng bata."
Kuwento pa ni Jaclyn, “Christmas Eve this 2016, ako pa ang sumundo, quarter to 12 nila binaba sa Wack-wack.
"Hindi nila maihatid kasi sabi nila walang driver, so I went to pick up my granddaughter—of course, it's Christmas Eve.
"And then, Christmas Day, kinuha ulit yung bata."
SURPRISED BY JAKE’S LEGAL MOVE. Ayon kay Jaclyn, wala siyang ideya tungkol sa inihaing joint custody petition ni Jake dahil hindi pa sila nagkakausap ni Andi tungkol dito.
Lalo pa't nitong mga nakaraang araw ay subsob daw si Andi sa trabaho.
Nagtatakang tanong pa ni Jaclyn sa entertainment press: “Ano bang nangyari? Bakit may ganyan na naman? Hindi ko alam ‘yan.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jaclyn pagkatapos ng presscon proper ng pinagbibidahan nitong GMA afternoon soap na D’Originals.
Ginanap ito sa 17th floor ng GMA Network Center, Miyerkules ng hapon, Abril 5.
Dito ay ipinaalam ng PEP kay Jaclyn na kagabi, April 4, ay kumpirma ng legal counsel ni Jake na si Atty. Ferdinand Topacio na naghain ang kanyang kliyente ng petition para sa joint custody ng anak nito at ni Andi.
Sa hiwalay na ulat ng PEP, nabanggit na isa sa hinaing ng kampo ni Jake ay hindi umano nakarating ang binata sa graduation ni Ellie noong March 24, dahil ang petsang ibinigay ni Andi ay March 27.
Mariing kontra-pahayag ni Jaclyn: “No, no, no! That’s not true.
“I’m so sorry. I cannot speak in behalf of my daughter.
“Ang puwede ko lang sabihin sa kampo ni Mr. Topacio, know your facts. Alamin mo mabuti ang totoo bago ka nagsasalita.
“And it is not proper for a lawyer to talk to the media regarding a five-year-old girl.
“I will never allow anyone to harm my granddaughter. She is only five years old, Mr. Topacio.
“Please, I am begging, stop this. Whatever it is, I am going to find out.
"Hindi namin ipinagdamot si Ellie, never."
Sa puntong ito, binanggit ng Bulgar editor na si Janice Navida na inirereklamo ng kampo ni Jake na may mga pagkakataong may kasunduan na ang binata at si Andi kung kailan puwedeng hiramin si Ellie, ngunit bandang huli ay biglang hindi papayag si Andi sa hindi malamang dahilan.
Buwelta ni Jaclyn, “Alam mo, wala ako sa tamang posisyon para magsalita.
"Pero maraming pagkakataon din si Jake na ako mismo ang sinasabihan niya na hihiramin niya on that day.
“At sasabihan ko kay Ellie, ‘Your dad is gonna pick you up.’ Pero hindi siya darating.”
Iginiit ni Jaclyn na responsibilidad ni Jake na direktang alamin ang aktibidades ni Ellie mula sa paaralan nito.
“If he missed the graduation, it’s his fault. He can always go to the school and ask for the date.
“Aasahan mo kami mag-feed nang mag-feed sa 'yo? Tapos sasabihin mo nililito ka namin? That’s wrong.
“And I don’t think gawain yun dapat ng daddy...”
Kinuwestiyon din ni Jaclyn kung bakit kailangang humantong sa usaping legal ang tungkol sa pagpapalaki sa anak nina Andi at Jake.
Aniya, “Please, let’s not make this issue a circus because I’m gonna fight for my granddaughter.
“Mag-isip muna tayong lahat mabuti, Jake, Mr. Topacio, whoever is behind you. May ganito pala, hindi ko alam.
“Mag-isip tayong mabuti kasi ang sinisira niyo dito ay buhay ng limang-taong-gulang na babae na napakatalino, napakabait, napaka-sweet, at napaka-loving.”
“Don’t you ever take that away from my granddaughter—that sweetness, that love, that happiness, and everything that she has at the moment now that she’s five.
“I will never allow anyone to take that away from her.”
JAKE'S NOVEMBER 2016 LETTER TO ANDI. Hiningan din ng PEP si Jaclyn ng komento sa pahayag ni Atty. Topacio na November 2016 pa lang ay pinadalhan na ng sulat ang kampo ni Andi kaugnay ng hinihiling na visitation rights ni Jake.
Ayon sa abugado, “dinedma” raw ito ng Kapamilya actress kaya nagpasya ang kampo ni Jake na maghain ng joint custody petition noong March 2017.
Buwelta ni Jaclyn, “May pinadala man sila, November, ano bang gusto nila?
"Magkandakumahog kami sa pagsagot? Ng ano? Anong demand letter?
“I know about that. Ano bang gusto nila? ‘Ay, may demand letter. Lapit tayo sa kanila.’ No!
“Si Andi ang nagpalaki kay Ellie, binuhay niya hanggang lumabas ang mga bagay-bagay.
“Tuloy pa rin ang pagbubuhay ni Andi sa anak niya.
"Pinapaaral niya sa mahusay na paaralan nang walang hinihingi kahit kusing sa kabilang parte.
“Pero hindi po usapin yun. Hindi natin pinag-uusapan yun.
"Kasi ang pinag-uusapan natin ay yung pagbuo sa pagkatao ng bata.
“So, financial is definitely out of this context. Baka kasi maputul-putol, mapagkamalan ako.
“But let us slow down. Kapag si Ellie talaga [ang nalalagay sa alanganin], umiinit ang ulo ko.”
OUT-OF-COURT SETTLEMENT? Sa huli, tinanong si Jaclyn kung bukas siya sa posibilidad na daanin ang usaping visitation rights sa out-of-court settlement.
Sagot niya, “Well, it is Andi’s decision. I can only advise.
“Pero oo, siyempre, I will compromise. Hindi naman kailangan ng court decision.
“Ako mismo, kapag wala si Andi, tinatawagan ko si Jake, ‘Si Ellie gusto mo puntahan? Nandito siya, wala si Andi umalis. You wanna go out?’”
Ipinaalam din ng press kay Jaclyn na mismong si Andi ang nagsabing hindi pa legal na ginagamit ni Ellie ang apelyido ng ama nito.
Ayon kay Andi, base sa panayam sa kanya ng press noong April 2, payag siya sakaling pormal na gamitin ni Ellie ang apelyido ni Jake.
Komento ni Jaclyn, “Sabi ni Andi ‘yan? O yun naman pala, e. Anong problema ni Mr. Topacio?
“Mag-usap silang mabuti ng kliyente niya at ng mga magulang ng kliyente niya, lalo na si Laarni.
“Pag-usapan nilang mabuti ‘yan. Huwag nila ako babanggiin kasi apo ko ang nakasalalay dito.”
Si Jake ay anak ni dating Pangulo at ngayo'y Manila Mayor Joseph Estrada at ng dating aktres na si Laarni Enriquez.
