Sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ng celebrity and beauty doctor na si Joel Mendez upang arestuhin sana kaugnay ng hindi nito pagbabayad ng kontribusyon sa Social Security System (SSS) ng kanyang halos 40 na tauhan.
Umabot na sa halos P1.8 million ang dapat bayaran ni Mendez sa SSS para sa kontribusyon ng kanyang mga empleyado mula pa noong 2011.
Si Mendez ang may-ari ng Weighless Service Center.
Ayon sa ulat ng GMA News ngayong araw, February 2, wala raw si Mendez sa bahay niya sa Pugo Street, Barangay Talipapa, Quezon City, nang dumating ang mga pulis kaya hindi siya nahuli.
LOOK: Tahanan ni Dr. Joel Mendez, sinalakay ng NCRPO at SSS para isilbi ang sentensya sa kanya ng hukuman. | via @allangatus pic.twitter.com/0eHpyXtHv4
— DZBB Super Radyo (@dzbb) February 2, 2017
Nahaharap si Mendez sa kasong paglabag sa Section 22 (a) in relation to Section 22 (d) and 28 (e) ng RA 8282, o hindi pagre-remit ng buwanang hulog ng kanyang mga empleyado.
Ayon sa desisyon ng Quezon City Regional Trial Court (QC-RTC), nahatulan si Mendez ng pitong-taong pagkakakulong at multang aabot sa P15,000.
Pinagbabayad din siya ng P1,865,667.50 para sa hindi niya nabayarang SSS contributions na may interes na 3 percent kada buwan mula pa noong July 2013.
