Handa raw si Philippine National Police (PNP) Chief Ronald 'Bato' dela Rosa na ipatupad ang Oplan Tokhang sa mga artistang kabilang diumano sa listahan ng mga sangkot sa ilegal na droga.
Ang Oplan Tokhang, na hango sa salitang Bisaya na “tok-tok hangyo,” ay tumutukoy sa pagkatok sa bahay ng mga hinihinalang sangkot sa droga bilang babala na itigil ang kanilang ilegal na gawain.
Pahayag ni PNP Chief Bato: “Katukin natin sa kani-kaniyang bahay, kani-kaniyang TV station. Surrender na kayo kasi identified kayo na user.”
Giit ni PNP Chief Bato, hindi raw dapat exempted ang mga artistang sangkot sa ilegal na droga sa ipinapatupad na Oplan Tokhang ng pulisya.
Dugtong niya, “I-Tokhang natin. Tinokhang nga natin yung mga high-end subdivisions diyan, sila pa na public figure. They should be open to the public.”
Hinikayat din ng PNP chief ang media na sumama sa personal na pagbisita at pagbigay ng babala sa mga artistang kasama sa listahan ng mga sangkot sa ilegal na droga.
Sa ngayon, nilinaw ni PNP Chief Bato na wala pa sa kamay niya ang "drug list" sangkot ang di pinangalanang showbiz personalities.
DIO: 50 CELEBS IN DRUG LIST. Noong Sabado, Setyembre 24, inihayag ni Martin Dino na tinatayang “50 celebrities” ang kabilang sa “drug list” ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sampu diumano sa mga ito ay drug pushers at ang iba ay hinihinalang drug users.
Tumanggi si Dino na pangalanan ang mga ito sa ngayon.
Si Dino ay dating standard bearer ng PDP-Laban at kasalukuyang tumatayong chairperson ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at incoming chairman ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Siya rin ang ama ni Liza Dino, chairperson ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Read: 50 celebs said to be included in drug list
Bago ito ay kinumpirma ng National Capital Region-Police Office (NCRPO) na hawak na nito ang listahan ng mga artistang diumano'y sangkot sa ilegal na droga.
Siya rin ang ama ni Liza Dino, chairperson ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
