Maikli ngunit may paninindigan ang mensahe ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar para sa mga taong gustong pabagsakin si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Hindi sila magtatagumpay!” sabi ni Sec. Andanar.
Bakit niya nasabi ito?
Tugon ng dating TV5 news anchor, “Kasi alam niyo, 91 percent [ng mga Pilipino] sumusuporta sa Presidente, e.
“So, hindi sila magtatagumpay.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Sec. Andanar sa get-together presscon niya sa entertainment press na ginanap kaninang hapon, Setyembre 21, sa Max’s restaurant sa Quezon Avenue, Quezon City.
ASSESSMENT ON THE PRESIDENT. Hiningi rin ng PEP ang assessment ni Sec. Andanar sa mga nagawa na ni Pangulong Duterte sa ilang buwan pa lang ng pamamahala nito sa Pilipinas.
Pahayag niya, “Napakabilis po magtrabaho ng ating Pangulo.
“Lahat ng kanyang mga ipinangako ay ginagawan po natin ng paraan para matupad.
“Wala po siyang tigil sa pagtatrabaho, hindi lang po sa paghahabol sa mga drug lord at mga drug pusher kundi para pagandahin ang ekonomiya.
“At kailangan po magkaroon tayo ng kapayapaan, kinakausap niya ang ating mga kapatid sa MILF, MNLF, ganun din sa CPP-NPA-NDF.
“Gayundin po yung pagiging lider ng ating Pangulo sa ASEAN region dahil tayo po ang magiging head ng ASEAN by next year.
“So, naka-focus din po siya at kami roon.”
Bago pa manalo ang pangulo sa eleksyon ay ipinangako nito sa mga Pilipino na sa loob ng anim na buwan ay susugpuin nito ang droga.
Pero kamakailan ay humingi ng extension na karagdagang anim na buwan ang Pangulo.
Nahihirapan ba ang Pangulo sa laban kontra sa droga?
Aypn kay Sec. Andanar, “Hindi naman nahihirapan, pero nabigla lang sa dami.
“Hindi kasi inakala na ganun pala kadami ang sangkot sa droga, lalung-lalo na iyong mga nasa pulitika, yung nasa gobyerno.
“Sobrang dami e, kaya humihingi po ng karagdagang anim na buwan.
“Pero mayroon po tayong isang pangulo na matapat, masipag, at humble para aminin na kulang yung anim na buwan.
“Pero hindi siya titigil.”