Walong araw nang nawawala ang dating live-in partner ni Quezon City Councilor Hero Bautista na si Rio April Santos Choi.
Si Hero, kapatid ni Quezon City Mayor Herbert Bautista, ay kasalukuyang sumasailalim sa isang rehabilitation program matapos mapag-alamang positibo siya sa ilegal na droga.
Noong Setyembre 12, pormal na naghain ng “missing person” report sa Quezon City Police District ang ina ni Rio April na si Emiliana Santos.
Ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, Martes, Setyembre 20, mayroon umanong mga naunang ulat na nagsasabing sangkot diumano sa ilegal na droga si Rio April.
Sinasabing may kaugnayan din diumano si Rio April sa napaslang na si Aurora Moynihan.
Si Aurora—na kapatid ng aktres na si Maritoni Fernandez—ay hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.
Kasalukuyan pa ring iniimbestigahan ng pulisya ang dahilan ng pagkawala ni Rio April.
Sabi ni QCPD Chief at Senior Superintendent Guillermo Lorenzo Eleazar: “Those are just speculations but that is part of our investigation.”
SEPTEMBER 12 INCIDENT. Ayon sa salaysay ni Emiliana, huli niyang nakita ang anak na si Rio April sa tinitirahan nilang condominium unit sa Eastwood City noong gabi ng Setyembre 12.
Ang paalam daw ni Rio April ay bibili lang ito ng tubig at makikipagkita sa di pinangalanang tao. Ngunit hindi na raw bumalik ng condo ang anak.
September 14 nang tuluyang idulog ni Emiliana sa pulis ang pagkawala ni Rio April.
