Dinipensahan ni Allan K ang kasamahan niya sa Eat Bulaga! na si Maine Mendoza laban sa bashers nito.
Ngayon kasing binansagan na si Maine bilang 'Phenomenal Star,' mas lalo pang dumami ang mga nangba-bash dito.
Buwelta ni Allan sa bashers ni Maine, “Pag sikat ka naman, ganun.
“Lalo na ma-social media siya. Lahat meron siya... Snapchat, Wazzup, may blog pa siya, Twitter, Instagram, Facebook.
“You cannot argue with success. Basta siya si Maine Mendoza, tapos.
“Superstar siya, tapos!”
Ngayong kilalang-kilala na si Maine, may mga nagsasabing yumabang na din daw ito. Dumating ba sa point na nayayabangan siya rito?
Sagot ni Allan, “Ay, wala, until now. Saka kung may kilos man siyang mali, maiintindihan mo. Bago ‘yan.
“One year pa lang. Out of nowhere, dinampot at ginawa niyong artista.
“Bigla niyong sinuperstar, parang Nora Aunor.
“Parang binigla mo ang bata, ‘Ay, ay, teka lang. Nagbabantay lang naman ako ng gasolinahan namin, di ba? Tapos out of boredom, nagda-Dubsmash ako.’”
Naaaliw naman daw si Allan tuwing nagkakasama sila ni Maine sa Eat Bulaga! dahil simple lang daw ito at parang hindi artista.
Saad niya, “Lagi akong naaaaliw dahil napakasimple niyang bata.
“Parang hindi artista, pero may aura, na yung mama-magnet ka talaga sa kanya.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Allan noong Biyernes ng gabi, September 2, sa Zirkoh, Tomas Morato, Quezon City.
SIMPLE MAINE. Anong qualities ba ni Maine ang gustung-gusto niya?
Aniya, “Effortless, saka may comic side talaga siya. Kahit seryoso siya, hindi mo ini-expect na magmi-make face.
“Wala siyang alam na sikat na siya, e. Hindi niya alam.
“Hindi niya alam na one million tweets sila sa araw-araw.
“Parang trabaho lang siya. Hindi pinapasok sa ulo niya.
“Sa abroad nga nakasama namin siya, wala.
“Dalhin niya lang ang backpack, lalakad, magsusuot ng sombrero.
“Wala siyang, ‘Baka makilala ako ng fans.’ Wala.”
Samantala, kinumpirma rin ni Allan ang pagbabalik ni Paolo Ballesteros sa Eat Bulaga! matapos ang anim na buwang suspensiyon nito.
Ngayong araw, September 5, ay napanood na muli si Paolo sa longest-running noontime show.
