Sang-ayon si Edu Manzano sa panawagan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa na lumantad na sa pulisya ang mga artistang sangkot sa ilegal na droga upang malinis ang kanilang mga pangalan.
Sa panayam ng State of the Nation ng GMA News TV sa dating pangulo ng Actors Guild of the Philippines, sinabi nitong wala silang dapat sisihin kundi ang kanilang mga sarili kapag mahuli sila.
Saad ni Edu, “Kapag magri-raid ang PDEA [Philippine Drug Enforcement Agency] at may mga mahuling mga artista, they only have themselves to blame.
“The warning has been given out already. The artists have been forewarned.”
Ayon pa sa Someone To Watch Over Me star, dapat lang tiyakin ng naturang ahensiya ng gobyerno na tama ang nasa drug list na ilalabas.
“Kung saka-sakali na talagang in existent itong alleged na listahan, sana naman i-validate muna at medyo i-depth mabuti ang listahan na ito para, at least, makikita ho natin kung credible, because yung listahan na ini-release in the past… may error sa ilang aspeto.”
Ayon pa sa ulat, sinabi ni Edu na malaki ang magiging epekto sa career ng mga artista kapag inilabas na ang nasabing listahan.
Ngunit naniniwala rin ang aktor na kaunti lang ang mga artistang sangkot sa ipinagbabawal na gamot.
Aniya, “Ang drugs ay hindi malaking-malaking problema sa amin, malaki yung industriya.
“Maaaring this is a small number, tsaka yung mga sinasabing shabu, hindi yun ang primary problem, e, because ang artista kapag aming nakitang naka-shabu, hindi nakakapagtrabaho.
“At kapag siya’y hindi nakakapagtrabaho, wala nang kukuha sa kanyang producer.”
Dahil sa pagpapaigting ng kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na puksain ang paglipana ng ilegal na droga sa bansa, unti-tunti nang tumalima ang ilang mga artista at boluntaryo na silang nagpa-drug test.
Ang ilan sa kanila ay ang 40 talents ng ABS-CBN/Star Magic, kabilang na sina Enrique Gil, Jake Cuenca, at Diego Loyzaga.
Ang ilan pang nagkusa na ring magpa-drug test ay sina Baron Geisler, Luis Manzano, at Patrick Garcia.
Ayon sa PDEA, magsasagawa sila ng extensive surveillance sa showbiz personalities na nasa listahan ng kapulisan.
Read: PDEA to conduct extensive surveillance of showbiz personalities involved in illegal drugs
