Nakipagpalitan ng tweets ang bagong National Youth Commission chairperson na si Aiza Seguerra sa ilang netizens tungkol sa Sangguniang Kabataan Reform Law.
Matatandaang noong Hulyo ay iminungkahi ni Commission on Elections Commissioner Lucenito Tagle na buwagin na ang Sangguniang Kabataan o SK dahil pinagmumulan daw ito ng dayaan sa botohan at korapsyon sa mga opisyal ng gobyerno.
Ang National Youth Commission, na pinangungunahan ni Aiza, ang isa sa mga masugid na tumutol sa mungkahing buwagin ang SK.
Nitong August 28, ni-repost ni Aiza ang mga bagong panuntunan sa SK Reform Law o Republic Act 10742 na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno 'Noynoy' Aquino III noong January 2016.
May ilang netizens na nag-tweet kay Aiza at nagpahayag ng kanilang hinaing tungkol sa SK sa kanilang lugar, kagaya nga ng pagkakaroon ng dayaan at korapsyon.
Sumagot si Aiza at sinabi niyang gumagawa naman ng paraan upang matigil ang korapsyon at maibalik ang tiwala sa government officials.
@youarenotthem09 yan ang mga problemang kailangan natin ma-address. Kailangan bumalik ang tiwala ng mga tao sa public servants.
— Aiza Dio Seguerra (@aizaseguerra) August 29, 2016
@youarenotthem09 dahil ayaw ko rin na magamit ang SK sa pansariling kapakanan.
— Aiza Dio Seguerra (@aizaseguerra) August 29, 2016
Pero isang netizen ang tumuligsa kay Aiza at sinabihan itong huwag “epal” at marami naman daw paraan upang makatulong ang kabataan.
“Naku Aiza,source lang ng corruption ang SK, magising ka! Huwag kang epal,marami pang paraan para ma-involve ang kabataan.”
@aizaseguerra naku aiza,source lng ng corruption ang sk, magising k!wag kng epal,mrami png paraan pra mainvolve ang kabataan
— a j b (@alvinjames25) August 29, 2016
Sinagot naman ito ni Aiza at sinabing gumagawa sila ng paraan upang maayos ang problema.
@alvinjames25 epal agad? Kung maka yawyaw ka naman. Kaya nga ginagawan ng paraan para ma address ang problema eh.
— Aiza Dio Seguerra (@aizaseguerra) August 29, 2016
Muling sumagot ang nasabing netizen at sinabing matagal nang problema ang SK pero hindi ito naaayos.
Tinawag pa nitong “pabida” ang singer.
@aizaseguerra maaddress?wag kng pabida s kabataan!ang tagal n ng sk n yan,kapaki pakinabang b?s manila p lng tlamak n kurapsyon dhl jan
— a j b (@alvinjames25) August 30, 2016
Hindi na sumagot si Aiza rito.
Pero sa isa pang tweet, iginiit ng NYC commissioner na gumagawa ng paraan ang kanilang ahensiya upang masolusyunan ang problema sa SK, gaya ng korapsyon.
@youarenotthem09 maraming salamat. Please continue to be vigilant. Kami naman ay gagawa ng mga hakbang para malutas at mawala ang corruption
— Aiza Dio Seguerra (@aizaseguerra) August 30, 2016
