Nagkaroon ng tensiyon sa grand presscon ng pelikulang Felix Manalo sa Manila Hotel kagabi, September 22, dahil kay Sheryl Cruz.
Kabilang si Sheryl sa mga artistang may special participation sa epic movie ng Viva Films tungkol sa buhay ng first executive minister ng Iglesia Ni Cristo (INC) na si Felix Manalo.
Nakatanggap ng email kahapon ang mga television network tungkol sa diumano’y pagpapatawag ni Sheryl ng presscon para sagutin ang mga isyu tungkol sa kanila ng kanyang pinsan na si Senator Grace Poe.
Pero nang dumating ang aktres sa Manila Hotel, pinabulaanan niyang siya ang source ng email.
Inabangan si Sheryl ng mga TV crew sa main entrance ng Manila Hotel at ng isang Viva Films employee.
Pero ayon sa mga eyewitness, dumaan siya sa side door at imbes na dumiretso sa presscon venue ng Felix Manalo, niyaya ng aktres ang mga television reporter at crew sa coffee shop ng hotel.
TOO ABRUPT. Dito inulit ni Sheryl ang kanyang pahayag na hindi niya susuportahan ang presidential bid ni Senator Grace sa 2016.
Pahayag ni Sheryl, "Ang feeling ko, it’s just too abrupt. It’s too early.
"Kung mas marunong nga na senator na si Serge Osmeña, who works closely with my cousin, ang sinabi nga niya, 'She would make a fine president, just not right now.'
"I’m not belittling Manang Grace's capabilities.
"It’s just that she would be a more effective president come 2022 and not 2016."
BINAY AND ROXAS NOT USING HER. Pinabulaanan naman ni Sheryl ang mga haka-hakang ginagamit lang daw siya ng kampo ng iba pang presidential aspirants na sina Vice President Jejomar Binay at Secretary Mar Roxas para siraan si Senator Grace.
Ayon sa Buena Familia actress, "I’m not here for anybody’s game. For somebody’s political agenda or career.
"Walang nag-uudyok sa akin para gawin ito.
"I have my own conscience.
"You know what, masyadong mataas ang talent fee ko para ako udyukin nila."
BLOOD IS THICKER THAN WATER. Sa kabila ng paghahayag niya ng kanyang saloobin tungkol sa pagtakbo ni Senator Grace bilang presidente sa 2016 elections, nilinaw ni Sheryl na nananatiling mas matimbang ang kanyang damdamin bilang kadugo ng senadora at ng ina nitong si Susan Roces.
Si Susan ay ang nakatatandang kapatid ng ina ni Sheryl na si Rosemarie Sonora.
Aniya, "My aunt always respected our views, our opinions.
"We may have different opinions of each other but, you know what, at the end of the day, pamilya pa rin kami.
"And blood would always be thicker than water.
"We will always make up for whatever differences…
"This is politics. This is a different arena than show business.
"I know it is more complicated and more dirty."
Patuloy ni Sheryl, "Sa akin lang, I’m not talking here because I want to be the center of the stage or I want to be the center of attraction.
"I’m here because, tulad ng sabi ko sa inyo, may responsibilidad din ako bilang Pilipino para sabihan din yung mga tao na ito din naman yung mga nangyayari, ito yung mga pananaw ko.
"Sarili kong opinyon ito, hindi para sa lahat ng tao, na nagsasalita ako."
I OWE IT TO MY FIRST FAMILY. Ginagawa rin daw ito ni Sheryl para sa kanyang sariling pamilya.
"Sa akin lang naman, kung ano lang yung dapat kong sabihin, in protection, in defense of my mom and my family, especially yung first family ko—yung brothers ko, mama ko, yung tatay ko na nakahimlay na."
Ang ama ni Sheryl ay ang yumaong aktor na si Ricky Belmonte.
Patuloy niya, "I owe it to them.
"I owe it to them na ako ang nabibigyan ng tsansa na magsalita.
"Na ako rin yung mag-clarify na hindi totoo yung mga ikinakalat nila na mga istorya dahil ang dami-dami nang istorya na lumalabas, iba-iba na.
"And, you know, kahit na gaano ka kapasensiyoso na tao, kahit na gaano ka pa katahimik na tao, minsan may mga times din na kailangan mo naman din na magsalita.
"So ako, for the longest time, I have not spoken, but this is the time na I’m just speaking.
"It’s not because of anything but it's also to show my love for my family."
NO TO DNA TEST. Mariin ding pinabulaanan ni Sheryl ang matagal nang kumakalat na tsismis na si Senator Grace daw ay kapatid niya at anak ng kanyang ina mula kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Saad niya, "Ang mama ko, pupuwedeng magsalita.
"But just because gusto rin niya to keep the peace in the family, that's why hindi rin yun nagsasalita.
"I’m not breaking that peace.
"It’s just... I’m a biological daughter to my mom, at kung walang nagsasalita, in defense of my mom...
"You can actually look for the archives of all the newspapers from the past, kahit sa Manila Bulletin.
"And you will see there, because my mom was [working] during the time na sinasabi na she carried my cousin dun sa kanyang sinapupunan.
"So, that is very impossible. She was actually doing work.
"It was very impossible, plus yung mga sinasabi nila na my mom gave birth? Saan sa Davao, sa Amerika? Kung saan-saan.
"Actually, they can make a Metro Manila Filmfest just about all these different versions of what they think has happened between my mom and Marcos.
"I’m so sorry. I don’t want to drag other family anymore and I hope you can allow me to go to the presscon of INC."
Hindi na natuloy ang pagpunta ni Sheryl sa presscon ng Felix Manalo dahil pinakiusapan siya ng mga producer na huwag nang dumalo dahil ayaw nilang mahaluan ng pulitika ang presscon.