Bilang isang ina, nagkaroon na rin ng pagkakataon na kumustahin at tanungin ang beteranang aktres na si Ms. Susan Roces sa nararamdaman niya sa kanyang anak na si Senator Grace Poe-Llamanzares na ngayon ay nangunguna talaga sa mga survey kung sakali at tatakbo nga ito sa pagka-Pangulo ng bansa.
Si Ms. Susan ang isa sa mga kilalang personalidad na tumayong ninang sa kasalang Elvis Gutierrez at Alexa Uichico sa Santuario de San Antonio, Forbes Park, Makati nung Biyernes, June 26.
“Well, it’s very heartwarming, but masyado pang malayo yun,” pahayag niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at 24 Oras nang magpaunlak ito ng ilang minutong panayam pagkatapos ng seremonya ng kasal sa simbahan.
SEN. GRACE RUNNING FOR PRESIDENT? Tinanong din namin ito kung sakali at papayagan niyang tumakbo na nga sa pagka-Presidente si Senator Grace na ngayon ay nasa unang termino pa lamang sa pagka-Senador.
Ayon kay Ms. Susan, “It’s not for me to say, I’m just her mother. She has a mind of her own. She knows what she’s capable of doing. I leave it to her.”
Ano ang nagiging payo niya sa anak?
Pakli niya, “Whatever she can do, I taught her to do her best in whatever she ventures in.”
TOO EARLY TO COMMENT. Mula sa ama ni Senator Grace na si Fernando Poe Jr. na sinasabing totoo raw na nanalo sa eleksiyon nang tumakbo nga ito sa pagka-Presidente at ngayon nga, ang pagiging number one palagi ng anak sa survey, walang-duda na sila talaga ang gusto ng taong bayan sa posisyon.
Anong masasabi niya ro'n?
“Well, masyado pang maaga para magkomento ng kahit na ano. Nagpapasalamat ako sa mga naniniwala sa anak ko.
“Let’s pray for what’s good for our country,” pakiusap niya.
USED TO INTRIGUES. Bilang ina, nagpapasalamat nga siya sa mga Pinoy na naniniwala sa kakayahan at magagawa ng anak, kahit na maging isa itong Presidente. Pero sa kabila nito, hindi rin naman nawawala ang ilang taong tila bumabatikos din dito.
Nariyang may nag-uungkat sa ilang background ni Senator Grace tulad ng pagiging ampon daw nila ng yumaong Fernando Poe Jr.
Sabi naman ni Ms. Susan, “Sanay na kami riyan.
“We belong to the public. We’ve been in this kind of career that we have chosen is very public. Being in the movies, it’s not any different.”
WISH FOR NEWLYWEDS. Bilang isa sa mga ninang, hiningan din namin siya ng wishes niya para kina Elvis at Alexa.
Ayon kay Ms. Susan, “May their union filled with lots of love, happiness, good health and good fortune,” ang nakangiting wish nga ni Ms. Susan sa mga bago niyang inaanak.
Nang hingan naman namin ito ng sa palagay niya ay sikreto sa isang matatag na pagsasama ng mag-asawa, nakangiting sinabi niya na, “Wala namang sikreto, basta just love one another and keep peace at home.”
