Inihayag ni Ruffa Gutierrez na nagkaayos na ang mommy niyang si Annabelle Rama at ang mommy ni Sarah Lahbati na si Esther.
Base sa ibinahaging larawan ni Ruffa sa kanyang blog, makikitang parehong nakangiti sina Annabelle at Esther habang nakikipagkulitan sa kanilang apo na si Zion, anak nina Sarah at Richard Gutierrez.
Makikitang masaya rin ang ang mahigit isang taong gulang na si Zion sa naturang larawan.
Sabi ni Ruffa sa kalakip na caption: “Well someone is happy that the two Lola's have kissed and made up! Indeed, timing is everything.”
Naganap ang pagkikita nina Annabelle at Esther sa launch ng spring/summer collection ni Rajo Laurel sa The Events Place sa Century Mall, Makati City, noong Sabado, March 21.
Matatandaang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang ina at talent manager ni Richard na si Annabelle at ina ni Sarah na si Esther sa binyag at birthday celebration ni Zion noong June 15, 2014.
Ito ay sa kadahilanang pakiramdam ni Esther ay tila naitsapuwera siya sa party ng sariling apo.
Ikinagalit ni Annabelle ang mga alegasyon ni Esther, lalo pa't dapat ay nakasentro raw ang atensiyon sa kanilang apo noong panahong iyon.
Ngunit sa huling panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Sarah noong Enero, iginiit ng aktres na 'tulad ng ibang pamilya ay hindi maiiwasang magkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa pamilya nila ng kasintahang si Richard.
Ganunpaman, hindi umano sila nawalan ng pag-asa na sa huli ay magkakaayos din ang kanilang mga ina.
