Kahit nasa ika-limang buwan na ng kanyang pagdadalantao ang aktres na si Ara Mina, tuluy-tuloy pa rin ang trabaho niya sa telebisyon.
Kasama si Ara sa bagong musical-comedy weekly series ng TV5 na Trenderas. Gaganap dito ang former sexy star bilang ina ng isa sa mga bida na si Lara Maigue.
Okay na sa kanya ang mother roles ngayon?
Nakangiting sagot ng 35-year-old actress, “Magiging mother na ako, e. Puwedeng-puwede na lalo, ‘di ba?
"Kung dati nga medyo pihikan pa ‘ko, ngayon siguro hindi na."
Dagdag pa niya, “Well, ano siguro, dumadating talaga yung time na...
"Alangan naman na forever akong 'andiyan na maging single na walang anak, ‘di ba?
“Here’s another chapter of my life na puwede yung... kumbaga, parang ibang level na.
"Napagdaanan ko na naman yung pagpapa-sexy and everything.
"Na-achieve ko naman yung gusto ko ma-achieve na magkaroon ng award. Nakuha ko naman.
“Ngayon, busy ako sa business, sa Ara’s Secret. 'Tapos pasundot-sundot ang trabaho.
"Masaya na ako dun."
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ara sa grand presscon ng Trenderas, kagabi, September 9, sa Studio 4 ng TV5 Media Center, Reliance, Mandaluyong City.
Sa Sabado, September 13, na magsisimulang ipalabas ang show ganap na ika-9 ng gabi.
EXCITED PARENTS. Nakatakdang isilang ni Ara ang anak nila ng boyfriend niyang si Bulacan, Bulacan Mayor Patrick Meneses sa Disyembre.
Excited na raw sila sa pagdating ng kanilang first-born child.
Sabi ni Ara, “Happy siya. Excited. Parehas kaming excited.”
Wala naman daw problema kay Mayor Patrick ang pagtatrabaho ni Ara ngayon sa telebisyon dahil nasa safe zone na ang kanyang pagbubuntis.
Saad ng aktres, “Sinasabi ko kasi sa kanya na ano, nami-miss kong magtrabaho. Para hindi rin ako maano... yung ma-bored.
"Oo, kasi okay na naman, kapit na kapit na naman yung baby."
Babae ang magiging panganay nina Ara at Mayor Patrick. May pangalan na ba silang napipisil para sa kanilang magiging anak?
Tugon ni Ara, “May mga pinagpipilian, pero wala pang final.
"Oo, kasi ang hirap mag-isip ng ano, e, initial na P at 'tsaka H.
“'Tsaka naghahanap din kami ng magagandang meaning, or sa Bible, kasi parang maganda-ganda lang, Hannah, e, yung Hannah... oo, sa babae.
“E, 'pag lalaki kasi, sa Bible, mas marami kang pagpipilian so...
"Pero ano na, may mga choices na, wala pang final."
Kasabay na kaya ng binyagan ang magiging kasal nila ng nobyo?
Sagot ni Ara, “Hindi, ano muna, palakihin muna nang konti yung baby.
"Siguro ano... pero pinag-uusapan namin baka next year.
"Pero magpapapayat muna ako, ‘di ba?"
Pero ayon kay Ara, secure siya sa piling ng kanyang karelasyon sa loob ng halos tatlong taon.
Pagmamalaki niya, “Oo, wala... walang away. Yung normal ano lang, quarrel lang before.
"Pero ano naman, wala pang isang araw nagbabati na, oo.
"Pero ngayon, wala, walang away."
ARA IN POLITICS? Handa na rin ba siyang maging first lady ng Bulacan, Bulacan o pumasok sa pulitika?
Natatawang sagot ni Ara, “Naku, ayaw niya ako pumasok sa politics, e!
“Oo, parang feeling ko, ayaw niya ‘ko pumasok.
"Siguro iniisip niya tama na lang siya, kasi nga magulo sa politics, ayun.
"Pero hindi ko pa naman isinasara yung pintuan ko for politics."
Tumakbo na rin noon si Ara sa pagiging konsehal sa Quezon City ngunit hindi siya pinalad.
