Minsan ay kailangang magpa-miss sa isa’t isa.
Ito ang sikreto nina Marian Rivera at Dingdong Dantes kung bakit nananatili ang kilig sa pagitan nila.
Patunay nito ang sweet photos ng dalawa kahit sa mga simpleng pagdiskubre nila ng mga bagong restaurant sa loob o labas man ng bansa.
Pahayag ni Marian, “Siguro maganda sa isang relasyon na hindi kayo nauubusan ng surprises sa bawat isa.
"At saka hindi kasi kami madalas magkita bilang may kanya-kanya kaming mga trabaho.
“So, we see to it na everytime makikita namin ang isa’t isa, hindi namin sasayangin ang pagkakataon na yun.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Marian sa press launch ng Kopiko Café Blanca kaninang tanghali, July 22.
Kabilang ang Kapuso Primetime Queen sa celebrity ambassadors nito; ang iba pa ay sina Christian Bautista, Iya Villania, at Aljur Abrenica.
QUALITY TIME. Noong nakaraang buwan, nagtungo si Marian sa U.S. para sa series of shows ng GMA Network.
Ngunit kahit abala sa trabaho ay naglaan pa rin ang aktres ng isang araw na pamamasyal kasama si Dingdong.
Kuwento niya, “Nag-New York kami. One day lang yun.
"Isa talaga sa mga favorite naming pinupuntahan ang New York, e.
“May feeling ako na masarap dun kasi ang daming makikita.”
Isa sa mga pinuntahan nilang kilalang dessert place sa New York ay ang Serendipity.
Tila naalala nila ang masayang bonding experience nila roon kaya nitong nakaraang linggo ay nag-date sina Marian at Dingdong sa isang yoghurt ice cream place dito naman sa Metro Manila.
Paano niya mailalarawan ang relasyon nila ni Dingdong pagkatapos ng humigit-kumulang limang taon bilang magkasintahan?
Sagot ni Marian, “Parang hindi yata maganda na sa babae nanggagaling kung anong klaseng relationship meron kami ngayon.
“Siguro, ako na lang bilang babae, siguro habang tumatagal kami sa relationship, mas pasaya nang pasaya at mas naiintindihan namin ang bawat isa.”
PREMIERE LEADING LADY. Kung si Dingdong ay nagsimula nang mag-shooting ng Kubot: The Aswang Chronicles, si Marian naman ay abala sa kanyang Saturday primetime variety show sa GMA, ang Marian.
Bukod dito ay nakatakda siyang gumawa ng panibagong teleserye sa GMA at isang pelikula sa ilalim ng Regal Films.
Bagamat wala pang masyadong detalye kung anong klaseng pelikula ang gagawin niya, kinumpirma ni Marian na si Derek Ramsay pa rin ang gusto ni Mother Lily Monteverde na makatambal ng aktres sa naturang proyekto.
“Gusto nila drama. Yung tipong hindi yung pa-tweetums. Medyo dun na tayo sa matured,” saad ni Marian.
Sa huli, tinanong si Marian kung bakit sa palagay niya ay nananatiling isa siya sa top leading ladies sa showbiz ngayon.
Nakangiting sagot ng number one sa listahan ng FHM’s 100 Sexiest Women In The World, “Naku, mahirap maikumpara sa iba at mahirap magbuhat ng sariling bangko.
"Basta alam ko, ‘pag ginawa ko ang isang trabaho, ibinibigay ko 100 percent ko nang walang hold back."
