Tinitiyak ni Luis Manzano na sa ikalawang pagkakataon nila ni Angel Locsin sa kanilang relasyon ay hindi na magkakaroon pa ng pagkakataon na magloko siya.
“Nagbago na ako, e,” nakangiting sabi ni Luis sa mga miyembro ng entertainment press na dumalo sa press conference ng The Voice Kids kaninang tanghali, May 16.
Dagdag na pag-amin pa ni Luis, “I was never a perfect boyfriend and I will never be a perfect boyfriend.
“But I like to think that I’ve learned from my mistakes in the past.”
Napag-usapan ang tungkol sa panlolokong nagaganap sa isang relasyon dahil sa mga nagaganap ngayon sa The Legal Wife, ang primetime series ng ABS-CBN kung saan isa sa lead stars si Angel.
Hindi ba nababahala si Luis dahil alam na ni Angel ngayon kung paano manghuli ng mga nanlolokong lalaki?
“Hindi na rin, nagbago na ako,” sagot ng TV host-actor.
“Siguro noon, oo. Pero ngayon, nagbago na ang panahon.
“Maayos-ayos na ang gusto ko sa buhay, what I want, and what I’m expecting from life.
“Hindi na, okay na ako.”
SETTLING DOWN. Dahil sa huli niyang sinabi, ibig sabihin kaya nito ay handa na siyang mag-settle down kasama si Angel?
Ani Luis, “Yes, I think I’m a bit more ready.
“Pero kumbaga, there are still things that I wanna do on my own as Luis Manzano before going for that.”
Tinanong ng media si Luis kung malapit na siya mag-propose.
Sagot niya, “Ayaw ko naman sabihin.”
Hindi pa raw niya matitiyak kung kailan dahil, “May mga nangyayari kasi bigla na nauusog ang timetable, e.
“Let’s wait and see kasi, 'di ba.
"Very unpredictable ang showbiz, e, there are new shows coming in.
“If there’s something stable in my timetable… Kasi, baka mamaya maghanda ako, ‘tapos hindi.”
Gayunman, sabi niya sa huli, “Hopefully, very soon.”