Iwas na iwas si Anne Curtis na sumagot sa isyu tungkol sa kanila ni Sam Concepcion.
Tanging sinabi niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media, “Tapos na.”
Matatandaang unang lumabas dito sa PEP ang diumano’y pagkumpronta ni Anne kay Sam sa birthday celebration ni Vice Ganda noong madaling araw ng March 31 sa 71 Gramercy, Century City, Kalayaan Avenue, Makati.
Diumano, sinabihan ni Anne ang singer na wala daw itong class at niloloko lang daw nito ang nakababatang kapatid na si Jasmine.
Si Sam ang maugong na manliligaw ni Jasmine.
Nakausap ng media si Anne sa after party ng Century Tuna Superbods 2014 na ginanap sa rooftop ng The District Hotel, Boracay, madaling araw ng April 27, Linggo.
Inamin naman ni Sam na may kumprontasyon ngang namagitan sa ate ng kanyang nililigawan pero ayaw na nitong mag-detalye pa tungkol dito.
Read: Sam Concepcion confirms confrontation with Anne Curtis; says "all is well" now between them
RESPECT. Hindi lang ang isyu kay Sam ang kinasangkutang malaking kontrobersiya ng Kapamilya actress.
Nuong isang taon, nasangkot din siya sa pananampal at pambubulyaw diumano sa ilang mga kaibigan sa showbiz sa isang bar sa The Fort, Taguig.
Pero, tinawanan na lang ng aspiring singer ang naturang isyu nang makausap ito ng PEP at ilang media nuong March 2014.
Sa patuloy na pakikipag-usap ng media kay Anne sa naturang after party, paminsan-minsan ay binabalikan pa rin ang isyu tungkol kay Sam. Pero ang palagi nitong sagot, “We’re here to talk about Century Tuna.”
Tinanong pa ito ng isang TV reporter tungkol sa mga isyung ibinabato sa kanya na tuluyang pinapalaki. Tumawa lang ito at nag-thumbs up sign.
Sabi niya, “'Cause we’re not here to talk about that, e.”
Paliwanag pa niya, “You know me, I’m always open about it, but we’re here to talk about Century Tuna. Respect that na lang.”
