Arestado si Bernice Lee, kapatid ni Cedric Lee at isa sa pitong akusado kaugnay ng pambubugbog sa actor-TV host na si Vhong Navarro.
Ito ay sa kadahilanang hindi nakapagpiyansa si Bernice para sa kasong grave coercion na kinahaharap nito at ng iba pang respondents,.
Ayon sa ulat ng 24 Oras ngayong gabi, April 21, pinuntahan ng ilang opisyales ng Bureau of Investigation (NBI) ang bahay ni Cedric sa West Greenhills, San Juan City, upang arestuhin ang negosyante.
Kasunod ito ng inisyung warrant of arrest ng Taguig Metropolitan Trial Court para kina Cedric, Deniece Cornejo, Simeon “Zimmer” Raz Jr., Ferdinand Guerrero, at Jed Fernandez.
Read: Cedric Lee, Deniece Cornejo slapped with non-bailable arrest warrant
Ngunit napag-alaman ng NBI mula sa kasambahay ni Cedric na matagal na umanong hindi umuuwi sa naturang address ang businessman.
Ganunpaman, nang makapasok ang awtoridad sa loob ng bahay ay nadatnan nila si Bernice at saka ito inaresto.
Dinala si Bernice sa tanggapan ng NBI ngayong gabi upang kuwestyunin at ayusin ang hiwalay na kasong grave coercion na kinahaharap nito.
Hindi kasama si Bernice at si Jose Paolo “JP” Calma sa inisyuhan ng korte ng warrant of arrest para sa kasong serious illegal detention na isinampa ni Vhong.
Si Bernice ay matalik na kaibigan ni Deniece Cornejo, na nanindigang siya ay biktima ng panghahalay ng actor-TV host.
Ngunit noong April 10 ay ibinasura ng DOJ ang reklamong panggagahasang inihain ni Deniece laban kay Vhong.
