Mainit ang pagtanggap kay Vhong Navarro sa kanyang pagbabalik sa telebisyon pagkatapos ng kontrobersiyang kinasangkutan niya.
Ito ay kaugnay ng pambubugbog sa kanya noong January 22, 2014 ng grupo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo, na nagbunsod sa magkabilang kampo na magsampa ng kaso laban sa isa't isa.
Si Vhong ay inireklamo ng panggagahasa ni Deniece.
Habang ang grupo naman nina Cedric at Deniece ay sinampahan ng kaliwa't kanang mga kaso ni Vhong, kabilang na ang serious illegal detention.
Ibinasura na ng Department of Justice (DOJ) ang reklamo ni Deniece laban kay Vhong.
Sa kabilang banda, inirekomenda na ng DOJ ang pormal na paghahain ng kasong serious illegal detention at grave coercion sa grupo nina Cedric at Deniece pagkatapos mapatunayang may basehan ang reklamo laban sa kanila ni Vhong.
Kahapon, April 13, ay live na nag-guest si Vhong sa Buzz Ng Bayan ng ABS-CBN kaugnay ng promotion ng kanyang pelikulang Da Possessed.
Ang unang tanong ng host na si Boy Abunda ay kung ano ang nararamdaman ni Vhong sa mga naririnig na sigawan at tilian ng mga tao sa tuwing lalabas siya.
Sagot niya, "‘Yan pong mga hiyawan na ‘yan, ‘yan po ang nagpapalakas ng loob ko, at ‘yan po ang nagiging matatag para sa akin.”
MORE LOVE. Pagkatapos ng lahat, ayon kay Vhong, mas tumibay ang relasyon niya sa mga taong nagmamahal sa kanya—sa mga magulang niya, mga anak, at sa girlfriend niyang si Winona Tanya Bautista.
“Mas nadagdagan, especially yung pagmamahal nila sa akin ngayon, yung suporta na kinakailangan ko until now.
"Siyempre, mas nakilala ko yung mga totoo kong kaibigan na hindi ako iniwan hanggang sa dulo."
Sobra rin daw na nadagdagan ang pagmamahal niya sa mga ito.
"Kasi nga, doon mo malalaman ang isang kaibigan.
"Dapat nandiyan ‘yan sa hirap at ginhawa.
"Dahil ganun ako, sa hirap at ginhawa, hindi ako nang-iiwan ng kaibigan.
“Siyempre, kung minsan, hindi naman kailangan hingin sa kanila yun.”
NON-BELIEVERS. Inasahan ba niya ang naging desisyon ng DOJ na ibasura ang reklamo laban sa kanya ni Deniece?
Sagot ni Vhong, “Actually, nagulat po kami…
"Kasi natapos na ang It's Showtime, 'tapos pinabalik kami para panoorin ang breaking news.
“'Tapos, yun nga, noong lumabas e hindi ko mapigilan ang aking pag-iyak.”
Read: Vhong Navarro gets emotional over DOJ's decision to junk rape complaint against him
Nagpahatid naman ng mensahe si Vhong sa lahat ng mga taong nagduda sa kanya.
Aniya, “Kasi hindi naman natin mapipilit ang isang tao kung maniniwala ba sa ‘yo o hindi.
“Yung nagduda po, mga taong hindi nakakakilala sa akin.
"Mga taong nanghusga sa akin sa mga ibinibintang sa akin na hindi ko ginawa.”
Paano niya nalaman?
“Sa social media,” sagot niya.
May nang-iwan ba sa kanyang kaibigan?
“Mangilan-ngilan. Siguro nakita ko lang din, umiwas, baka natakot din.
"Pero meron na lumaban talaga para sa akin."
Nauunawaan niya yun?
“Opo, opo...”
LIFESTYLE CHANGE. May nagbago raw sa social life ni Vhong, at mahihirapan daw siyang maibalik pa ito sa dati.
Saad niya, “Kasi ako ang tipo ng taong madali akong makagaanan ng loob.
"Ako ang tipo ng taong hindi ako namimili kung sino ang kakaibiganin ko.
“Mas gusto ko pa nga na yung kinakaibigan ko, yung mga taong inaapi.
“Hangga’t maaari, gusto kong ibalik ang dati.
"Pero ngayon, medyo hirap akong ibalik ang pagtitiwala.
"Dati, kaya kong umalis na mag-isa, kaya kong pumunta ng mall na mag-isa o sa mga kaibigan ko na mag-isa.
“Yun po ang medyo nawala.
"Pero ngayon, ibinabalik ko ang paglalaro ng basketball kasama ang mga friends ko.”
Sa pananaw naman niya sa buhay, ano ang nabago?
Tugon ni Vhong, “Binabase kasi ang duwag kapag hinamon mo ng suntukan... hindi ka lumaban, duwag ka.
“Pero hindi pala doon naipapakita ang pagiging duwag.
"Puwede ka palang maging matapang sa ibang paraan, hindi lang sa pananakit.
"Puwedeng sa ibang paraan mo sila puwedeng labanan."
GIRLFRIEND. Ano ang pinakaimportanteng leksiyon niyang patuloy na natututunan?
Sabi ni Vhong, “Patuloy ko naman pong inaamin na nagkamali ako pagdating sa girlfriend ko.
"Talagang yun po ang pinagsisihan ko.
"Na sa pagkakataon na yun, naloko ko ang girlfriend ko that time, at yun po ang ayokong ulitin muli.
“Dahil sa mga pagkakataon na yun, hanggang ngayon, siya pa rin ang makakasama ko at iintindi sa akin.
"At binigyan pa niya ko ng pagkakataong muli, ‘di ba?
“Yun po ang pinagsisihan ko na hindi ko na nagawa.”
Kapag silang dalawa lang ni Tanya, tinatanong ba siya nito kung bakit niya ginawa iyon?
Sagot ni Vhong, “Noong mga una, pero ngayon okay na okay na kami.
"Ang sarap na ng samahan namin mas lalo.
"Parang sa ngayon nga, siya na ang masasabi kong girlfriend ko, lahat na pinag-uusapan namin.”
OUTLOOK. Anong chapter na siya ng buhay niya ngayon, lalo’t dalawang reklamo pa ng panggagahasa ang hinaharap niya?
Maliban kay Deniece ay naghain din ng reklamong rape laban kay Vhong sina Roxanne Cabañero at Margarita Fajardo.
Sabi ni Vhong, “Alam ko, paumpisa pa lang at haharapin po namin kung ano pa ang pupuwede pang mangyari.
“Pero ako po, patuloy na nagdarasal na matapos nang maaga ang lahat.
"Makayanan ko lahat, kasama ang aking pamilya, mga kaibigan, mga anak especially si Tanya.”
Sa mga panahong mahina siya, kanino siya kumakapit maliban sa Diyos?
“Sa mga kaibigan ko, mga pamilya ko nga, mga anak ko, kay Tanya and, of course, sa mga nagmamahal na sumusuporta sa akin.
“Hindi po sila nawala, hindi po sila bumitiw, at patuloy silang sumusuporta at nagdarasal sa akin.”
CONFESSION. Ano ang sinasabi niya sa kanyang sarili ngayon?
Sabi ni Vhong, “Ano ‘to, e, ibinigay ni God kasi alam niyang kaya kong harapin. At kaya kong malagpasan.
“Ibinigay Niya ‘to dahil ito ang pagsubok na maaaring puwede kang may magawa, siguro para sa sarili ko o para sa buong Pilipinas.
“Ang hirap, e, hindi ko alam paano ilalarawan sa sarili ko o kung bakit nangyari ‘to.”
Kung may ikukumpisal siya na isang kasalanan, ano yun?
“Nag-cheat po ako sa girlfriend ko, yun lang po,” sagot ni Vhong.
