Itinuturing ni Lance Raymundo na isang milagro ang pagkakaligtas niya sa freak accident na nangyari sa kanya noong March 19, bandang 9:30 ng umaga.
Nabagsakan ng 80 lbs. barbell ang mukha ng actor-singer habang nag-eensayo sa gym.
Sa sobrang tindi ng tinamo niyang pinsala, kita raw ang bungo niya nang dalhin siya sa ospital.
Dahil sa pangyayari, nasabi ni Lance na “second life” na niya ito.
Labintatatlong araw naospital si Lance matapos mabagsakan ng barbell sa mukha.
Ngayon ay nagpapagaling na siya sa kanilang tahanan.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Lance sa pamamagitan ng Facebook ngayong araw, April 2.
Bungad niya, “Na-discharge na po ako from the hospital yesterday.
“Dito na ako nagpapagaling sa bahay until I'm ready for my second surgery.”
Anong surgery ang ginawa sa kanya?
Ayon kay Lance, “So far, nag-implant sila ng supra foil net sa surrounding areas ng eyeball ko dahil nabasag mismo ang socket kung saan naka-encase ang eyeball ko.
“Bago ako inoperahan, half-blind na po ako.
“Nag-implant din sila ng mga titanium plates sa lahat ng areas ng mukha ko na nabasag, ‘tulad ng buong mid-area ng face, forehead, cheek bones, at nose.
“Kailangan ito para ma-reconstruct ang eye socket at ang porma ng face ko.
“Ilang inches ang nilubog ng foundation ng face ko kasi.
“Na-damage po yung eye socket kaya bumaba ang isang eyeball ko.
“Pero with God’s grace, yung eyeball mismo ay hindi napa’no!
“Nagulat nga ang doctor, kasi sa ganoong klaseng impact, dapat pala ay sumabog ang eyeball ko.
“Before the operation,” patuloy niya, “isang mata lang ang ginagamit ko, kasi nga, bumaba ang isang eyeball ko...
“At ang nakikita ko sa mata na yun ay mukhang nakahiga nang patagilid!
“Awa ng Diyos, hindi naalis ang eyeball ko.
“Pero hindi ako pinayagan na gumalaw-galaw bago ako operahan at baka maiba pa lalo posisyon ng mata ko.
“Kung sumabog yun, bulag na po yun permanently.”
Isang mata lang ba niya ang nakaranas ng ganoong impact?
Tugon niya, “Yes, kasi medyo naka-slant ang bagsak ng barbell.
“Sa left side, eye socket ang nabasag. Sa right, cheekbone naman ang nabasag.”
SECOND LIFE. Nag-post si Lance sa Facebook ng tatlong larawan niya kung saan ipinakita ang improvement na nangyari pagkatapos niya maaksidente at pagkatapos niyang maoperahan.
“The pix were taken March 19, 21 & 23.
“Yung una, kuha sa araw mismo ng accident, after na ma-stitch ako at nalinis ang blood.
“Pagdating ko sa emergency room, kita mismo ang skull ko doon sa sugat sa noo at ilong.
“Yung next two pix were taken on the 3rd and 5th day.
“Inoperahan ako on the 6th day. Super successful yung operation, na-restore ng 100% ang vision, ko thank God.”
Binigyan ni Lance ng pahintulot ang PEP na gamitin ang mga larawang ito para sa aritulong ito.
Masasabi bang second life na niya ito?
“Yes, this is my second life!” pagsang-ayon ni Lance.
“Less than one inch above point of impact, patay na po ako, kasi casing na ng utak ang mababasag.
“A few inches below would have been fatal too, dahil breathing naman ang madadale.”
Itinuturing din ni Lance na isang milagro ang nangyari sa kanya.
“It is definitely a miracle.
"Someone told me, the devil was the one that pushed the barbell to fall on my face.
“Pero naniniwala ako na ang Diyos naman ang sumangga sa barbell kaya imbes na sa utak o lalamunan ang bagsak, ay sa ilong lang, kaya ako naka-survive.”
THE ACCIDENT. Ipinasalyasay namin kay Lance ang mga nangyari bago siya maaksidente.
“Prior to the accident, I was just doing my normal workout.
“I was doing dumbbell flies habang nakahiga sa bench press.
“Pagkatapos ng dumbbell flies workout ko, kukunin dapat ng trainer ang mga dumbbells sa kamay ko...
“’Tapos natabig niya yung barbell sa taas ng ulo ko kaya bumagsak diretso sa mukha ko.”
Ayon kay Lance, nang nabagsakan siya ng barbell ay wala siyang naramdaman dahil namanhid ang ulo niya.
Ano ang naalala niya sa insidente?
“Narinig ko mismo ang tunog ng pagkakadurog ng mga buto sa mukha ko, pero wala akong naramdaman.
“Nag-numb kasi yung buong ulo ko.
“Hindi ako nawalan ng malay, pero dumoble ang tingin ko at nahilo ako.”
May scars ba siya sa mukha dahil sa aksidente?
“Yes, may scar ako sa face, pero mawawala daw sabi ng doctor.
“Pero kung hindi mawala, okay din sa akin.
“Kasi, marka yun ng isa sa mga naging kasaysayan sa buhay ko, which strengthened my faith in God.”
Bakit na-dislodge ang barbell?
“Actually, impossible na ma-dislodge ang barbell kung maayos ang pagkakapatong nito.
“So, either hindi maayos ang pagkakapatong ng trainer or sira na ang clasp ng bench press.”
May galit ba siya sa spotter na nakahulog ng barbell sa mukha niya?
Sagot ni Lance, “This is merely an accident...
“Yung mga trainers sa gym na yun, kilala ko since 2004, noong bata pa ako.
“I know they mean me no harm at ang aksidente, nangyayari kahit walang may gusto.
“Pinatawad ko siya the very moment na nangyari ang accident.”
“I decided not to reveal the name of the gym dahil ayokong ma-hamper ang business nila, since accident ito at hindi nila kagustuhan.”
AFFECTED PROJECTS. Anong projects niya ang naapektuhan dahil sa aksidenteng ito?
Ayon kay Lance,“A play, yung Ang Martyr sa Golgota.
“A film project in Ilocos by Keith Sicat, a hosting job on a new TV show, and two international final castings.”
Dapat ay pagbibidahan ni Lance ang play na Ang Martyr sa Golgota ni Direk Lou Veloso, at gaganap siya rito bilang Jesus Christ. Subalit dahil sa aksidente ay pinalitan siya rito ni Vince Tañada.
Sa susunod na taon daw ay gusto nang gumanap ni Lance bilang Jesus Christ sa play na ito.
Saad niya, “Dahil sa lahat ng dinaanan ko the past two weeks, mas nadama ko at mas naunawaan ko ang calvary ni Christ.
“Also, during my bedridden days, I established a better communication with God.
“So, yes, I want to portray Christ someday!”
Nabanggit din ni Lance na ang mga eksena niya sa Esoteric Manila ni Direk Elwood Perez, na pinagbibidahan nina Ronnie Liang at Vince Tañada, ay natapos na niyang gawin.
Ano ang plano niya kapag magaling na siya?
Sabi ni Lance, “Back to work. Back to music, auditions, casting etc...
“But I also want to be an advocate for gym safety para ‘di ito mangyari sa iba.”
Kapag magaling na ba siya ay babalik pa rin siya sa pagdyi-gym?
“Yes, of course,” tugon niya.
Hindi ba siya nagkaroon ng trauma sa gym o sa barbell?
“Hindi ako na-trauma. No, lucky for me... I'm a brave guy.”
After three weeks ay ooperahan siya ulit. Anong procedures naman ang gagawin sa kanya?
“As of now, yung foundation ng mukha at mata ko ang inayos.
“Yung nose ko, wala pang buto.
“So, kukuha sila ng cartilage sa tenga ko to replace the shattered cartilage of my nose.
“So far, my nose looks normal like before, except walang bone support sa loob.”