Pormal nang inirekomenda ng Office of The Ombudsman na makasuhan ng plunder sina Senator Bong Revilla, Senator Juan Ponce Enrile, at Senator Jinggoy Estrada kaugnay ng maanomalyang paggamit ng pork barrel.
Ito ay sa kadahilanang mayroong “probable cause” na makakapagpatunay na lumabag ang tatlong mambabatas sa Republic Act 7080 (An Act Defining and Penalizing The Crime of Plunder) at Section 3c ng Republic Act 3019 (Anti Graft and Corruption Practices Act).
Kasama rin sa nakatakdang kasuhan ng plunder ang itinuturong pork barrel scam mastermind na si Janet Lim-Napoles.
THE JOINT RESOLUTION. Matatandaang nagsampa ng reklamong plunder ang National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) laban kina Senator Revilla, Senator Enrile, at Senator Estrada noong September 16, 2013.
Bukod dito ay naghain ng hiwalay na plunder complaint ang Field Investigation Office (FIO) laban sa tatlong senador noong November 18, 2013.
Kahapon, March 31, inaprubahan ni Ombudsman Conchita Morales ang rekomendasyon ng five-member panel na nagsagawa ng preliminary investigation kaugnay ng kontrobersiyal na pork barrel scam.
Sabi sa opisyal na pahayag ng Office of The Ombudsman, na inilathala ng GMA News Online ngayong araw, April 1:
“On the charges for Plunder, the Joint Resolutions concluded that the three Senators took undue advantage of their official position to illegally divert, in connivance with certain respondents, their respective PDAF allocations to the Napoles NGOS, in exchange for kickbacks/commissions…”
Napag-alamang tumanggap ng komisyon sina Senator Revilla (P242 million), Senator Enrile (P183 million), at Senator Estrada (P172 million) mula sa “ghost” projects ng mga itinayong “dummy” non-government organizations (NGOs) ni Napoles.
Base ito sa mga sinumpaang salaysay ng pangunahing whistleblowers na sina Benhur Luy, Marina Sula, at Merlina Suñas.
Nakasaad din sa inilabas na Joint Resolutions ng Office Of The Ombudsman ang resulta ng special audit report ng Commission on Audit (COA) para sa Priority Development Assistance (PDAF) disbursements mula noong 2007 hanggang 2009.
Dito ay natukoy ang mismong implementing agencies ng gobyerno, NGOs, at mga opisyal na sangkot sa mga transaksiyong may kinalaman sa maanomalyang paggamit ng PDAF.
Kalakip din ng Joint Resolution ang nakalap na beripikasyon ng FIO, kabilang na ang mga sinumpaang salaysay ng government officials at beneficiaries ng natukoy na pekeng NGOS.
OTHERS CHARGED WITH PLUNDER. Kasabay nito ay inihayag ng Office of The Ombudsman ang “modus operandi” o proseso kung paano tumatanggap ng milyun-milyong pondo ang pekeng NGOs mula sa PDAF ng mambabatas na paulit-ulit na ginagawa ng mga taong sangkot sa loob ng mahabang panahon.
Nakapaloob din sa joint resolution ng special panel sa Office of The Ombudsman na mayroong sapat na ebidensiya na magkakasabwat ang “set of respondents,” na nakakuha ng kabuuang pondo na nagkakahalaga ng P517 million, P345 million, at P278 million mula sa PDAF nina Senator Revilla, Senator Enrile, at Senator Estrada, respectively.
Sa kaso ni Senator Revilla, nahaharap siya sa 16 beses na paglabag sa Anti Graft and Corruption Practices Act.
Kabilang sa natukoy na katransaksiyon ni Senator Revilla at kinasuhan ng plunder ay sina Richard Cambe, Janet Lim Napoles, Ronald John Lim, at John Raymond De Asis.
Si Cambe ay ang senior staff ni Senator Revilla; si Lim ay kapatid ni Janet, at si De Asis ay driver/bodyguard ni Napoles at tumatayong presidente ng Countrywide Agri and Rural Economic Development Foundation, Inc.
Sa kaso ni Senator Enrile, nahaharap siya sa 15 beses na paglabag sa Anti Graft and Corruption Practices Act.
Kabilang sa natukoy na katransaksiyon ni Senator Enrile at kinasuhan ng plunder ay sina Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes, Ruby Tuason, Janet Lim Napoles, Ronald John Lim, at John Raymond de Asis.
Si Reyes ay dating chief of staff ni Senator Enrile at si Tuason naman ay dating social secretary ni dating President Joseph “Erap” Estrada.
Sa kaso ni Senator Estrada, nahaharap siya sa 11 beses na paglabag sa Anti Graft and Corruption Practices Act.
Kabilang sa natukoy na katransaksiyon ni Senator Estrada at kinasuhan ng plunder ay sina Pauline Labayen, Janet Napoles, Ruby Tuason, at John Raymond de Asis.
Si Labayen ay dating appointments secretary ni Senator Estrada.
Bukod sa mga nabanggit ay may iba pang respondents na kinasuhan ng graft 'tulad ni Dennis Cunanan, director general ng Technology Resource Center (TRC).
SENATE DECISION. Ayon sa isa pang ulat ng GMA News Online, naglabas din ng draft report ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon ukol sa pork barrel scam.
Dito ay inirekomenda nilang makasuhan ng plunder sina Senator Bong Revilla, Senator Juan Ponce Enrile, at Senator Jinggoy Estrada.
Dapat din umanong humarap ang tatlong mambabatas sa isang ethics committee upang maimbestigahan ang karampatang sanction para sa pagkakasangkot nila sa pork barrel scam.
Layunin nitong maibalik ang integridad ng Senado matapos magtamo ng katakut-takot na pambabatikos dala ng eskandalong kinasangkutan nina Senator Enrile, Senator Revilla, at Senator Estrada.
Inirekomenda rin sa naturang draft report na tanggalan ng lisensiya bilang abugado sina Senator Enrile at Atty. Gigi Reyes.
Ang isinumiteng draft report ay naglalaman ng 122 na pahina, kung saan matatagpuan ang transcript ng lahat ng pagdinig sa Senado tungkol sa pork barrel scam.
Nakasaad din dito ang findings at recommendations na nakatakdang aprubahan ng mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee.
MOTION FOR RECONSIDERATION. Samantala, inihayag ng legal counsel ni Senator Revilla na si Atty. Joel Bodegon na maghahain ng motion for reconsideration ang kanyang kliyente sa Office of The Ombudsman.
Ito ay sa kadahilanang inamin mismo ng whistleblowers ng pork barrel scam na pineke lamang ang signature ni Senator Revilla sa mga dokumentong ginamit upang mai-release ang pondong nakuha mula sa PDAF ng senador.
"Ngayon, kung peke at finorge ang signature ni Senator Revilla, ang PDAF documents na iyon ay hindi binding kay Revilla,” giit ng abugado.
Nanindigan din si Senator Estrada na kaya niyang patunayan sa kahit saang korte na kailanman ay hindi siya tumanggap ng komisyon mula kay Napoles.
Kinuwestiyon din niya kung bakit sabay na naglabas ng desisyon ang Office of The Ombudsman at Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng kontrobersiyal na pork barrel scam.
“Clearly, kami po ang pinagplanuhan, pinagkaisahan, at naging biktima ng sabwatan para magpapogi ang imahe ng ilan sa aming kasamahan sa Senado,” diin ni Senator Estrada.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na pahayag si Senator Enrile hinggil sa rekomendasyon ng Office of The Ombudsman na makasuhan siya ng plunder.
Ngunit sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong March 12, matatandaang nanindigan si Senator Enrile na wala siyang ibinulsa ni isang sentimo mula sa kaban ng bayan.
Iginiit din niya na mismong ang whistleblowers ay aminado na hindi nila nakitang tumanggap siya ng komisyon mula kay Napoles.
